ni Lolet Abania | March 4, 2021
Tinatayang nasa 40 ang naitalang nakaranas ng mild adverse events following immunization (AEFI) sa isinasagawang pagbabakuna ng gobyerno gamit ang Sinovac vaccine ng China, ayon sa Food and Drug Administration (FDA).
Sa isang interview ngayong Huwebes kay FDA Chief Eric Domingo, ang mga nasabing kaso ay nakaranas lamang ng mild symptoms gaya ng pananakit sa bahagi ng injection site.
“As of yesterday, ang nabakunahan ay marami-rami na rin, ilang libo na rin at nakatanggap kami ng reports ng mga 40 people who experienced mild signs and symptoms after immunization,” ani Domingo.
“Wala pa po tayong nakitang severe (AEFI). Ang severe po kasi, ‘yung talagang kailangang maospital, so as of kahapon ng hapon, wala pang nai-report sa atin. Karamihan talaga, ‘yung mga regular lamang,” dagdag niya.
Noong Martes, inanunsiyo ng Department of Health (DOH) na ang gobyerno ang siyang mananagot para sa AEFI habang ang COVID-19 vaccines ay patuloy pa ring dinedebelop at dahil sa binigyan ng emergency use authorization.
Sinimulan ang vaccination program sa bansa noong Lunes mula sa 600,000 Sinovac doses ng China.
Samantala, binanggit ni Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. sa interview ngayong Huwebes na ang 1 milyon doses ng COVID-19 vaccines mula sa Sinovac na binibili ng Pilipinas ay darating sa ikatlong linggo ng Marso.
“'Yung 1 million more or less sa third week ng March. Maybe March 21 onwards...Asahan natin na March 21 to 30, darating na po ‘yung 1 million,” ani Galvez.