ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | April 15, 2021
Hindi na dapat pang kuwestiyunin kung isa si Vice Ganda sa pinaka-successful na vloggers among celebrities. Isa siya sa pinakasikat na TV hosts, endorsers at artista. Sa katunayan, sinasabi nilang, "Whatever Vice touches turns into gold."
Nitong June, 2020, umani ng 14-M followers ang kanyang Twitter account at ngayon nama'y nakakagulat na may 5-M subscribers agad ang kabubukas lang niyang YouTube channel.
Sa isang panayam kay Vice kaugnay ng isa nitong endorsement, aniya'y sinubukan niyang mag-venture into vlogging simula nang pagkaitan ng prangkisa ang ABS-CBN last 2020.
Aniya, “Kasi the moment ABS-CBN lost its franchise, wala na kaming platform and I was told by the management that it is your obligation to reach out to your audience whatever happens. So since walang TV, ano'ng paraan?
"So the only way na patok nu'ng panahon na 'yun is 'yung mga online shows. So, kailangan mo siyang pasukin, so pinasok ko 'yung YouTube. Tapos, nu'ng lumalaki 'yung following, nakakatuwa kasi nga, du'n ko nari-realize na 'Ay, marami pa ring may interes sa akin,'” bungad ng It's Showtime host.
Ini-launch din ni Vice ang kanyang Vice Ganda Network last July, at siya'y nagpapasalamat na nakahanap siya ng ibang platform gaya ng YouTube, at ngayo'y umabot na nang 5 million ang kanyang subscribers.
“I was just super happy the moment it became five million. Kahit nu'ng two million, three million, 'yung 'pag may milestone siya na ganu'n, ang saya-saya. Pero it was a bigger celebration kasi lagi siyang nangyayari 'pag may mahalagang date katulad nitong nag-five million siya nu'ng birthday ko, so double celebration.
"So ang saya, kasi nga siyempre, sa TV, dahil wala na kaming free TV, walang ratings. Wala nang na-apply na ratings sa TV, hindi katulad dati, alam mo kung maraming nakakanood sa iyo kasi may ratings.
"So since wala nang ganu'n, hindi ko na alam kung gaano karaming tao ang interesado pa sa akin. Or kung gaano pa kalawak ko nase-serve 'yung purpose ko."
Kahit pa raw maraming pinagdaraanan ang kanyang home studio, tuluy-tuloy pa rin ang pagpo-produce nito ng sariling content o platform para sa kanyang mga solid at loyal followers.
Katwiran ni Vice, “Tapos, du'n ko nase-serve 'yung purpose ko na kailangan kong i-serve. Kasi this pandemic cannot stop me from serving my purpose. Kasi kung ganu'n lang naman, ano pang siste ng buhay kung wala kang sine-serve na purpose, 'di ba?"
Hindi rin itinanggi ng It's Showtime host na malaki ang kinikita sa pagba-vlogging.
"Aside from that, I don’t want to be a hypocrite, mas maraming subscriptions, mas kikita 'yung channel ko, 'di ba? Kahit may ipon naman ako, kailangan kong kumita kasi mauubos 'yung ipon ko. Ayoko nang bumalik sa paghihirap, hello! Nanggaling na ako ru'n. At nagbabad na ako ru'n nang bongga.
"So ngayong nasa ganito akong posisyon, hindi ko puwedeng pabayaan 'yung kung ano'ng meron ako. Kailangan kong pangalagaan 'yung estado ng buhay ko. Kailangan ko pa ring kumita."
Sa panahon ngayon ng pandemic, ang kanyang influence as entertainer ay ang maibahagi sa lahat ang saya, lalo na't walang kasiguraduhan ang patuloy na pakikipaglaban ng mga tao sa COVID-19.
“Some people are trying to survive, some people are surviving, and some people are thriving after they survive. So, nandu'n tayo sa ganu'ng stage. So maraming-maraming salamat sa mga subscribers ko dahil hinahayaan n'yo akong patawanin pa rin kayo, aliwin kayo sa ganitong panahon, at the same time, nagkakaroon din ako ng ekstrang hanapbuhay. Kaya give and take, hindi naman puro give lang nang give or take lang nang take. Kumbaga, palitan tayo ng magandang naibibigay sa isa’t isa,” pahayag pa ng Unkabogable Star.