ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | July 08, 2021
Sa unang pagkakataon, nakapanayam ng news anchor na si Karen Davila ang broadcaster din sa TV5 na si Raffy Tulfo para sa 10th episode ng kanyang YouTube channel.
Pansamantala raw nakatira ang Tulfo family sa isang apartment habang under reconstruction pa ang kanilang bahay sa Quezon City.
"Every weekend, pumupunta kami rito para magpahinga," aniya sa pansamantala nilang tirahan.
Ilang bagay na kanilang napag-usapan ay kung paano nito nakilala ang asawang si Jocelyn.
“Many years ago, sa Cauayan City, Isabela, FM disc jockey ako noon. Fan siya. Papasyal-pasyal siya. Palagay ko, crush niya ako, eh, kasi padaan-daan siya, eh," natatawa nitong pahayag.
"Sabi ko, 'Crush ako nito, ah. Sige nga, ligawan ko.’ Niligawan ko. Medyo nahirapan ako. Pero bandang huli, sinagot ako. Nahirapan. Mayaman siya. Mahirap lang ako. At saka ang suweldo ko nu'n, P300 a month at that time. So, nabubuhay ako 'pag nagbebenta ako ng commercial.
"Iikut-ikot ako sa mga tindahan, businesses, para lang ibenta 'yung commercial sa istasyon namin, meron akong commission. And then ang damit ko is lima. Pantalon ko, tatlo. Sapatos ko, isa. And then nu'ng dumating 'yung time na naging girlfriend ko 'yung wife ko, naawa siya. Niregaluhan niya ako ng dalawang shirt, so naging pito na. Nu'ng naging girlfriend ko ang wife ko, binibigyan-bigyan niya ako ng mga gamit,” alala pa ni Raffy.
Si Raffy daw ang pang-walo sa sampung magkakapatid, at ikinuwento niya kay Karen kung paano sila pinalaki ng kanilang mga magulang.
“'Yung father ko ay sa military at nu'ng namulat ang mga mata ko, siya ay provincial commander sa Zamboanga City. And then nagpapalipat-lipat kami. Sumasama kami sa kanya. Housewife 'yung mom ko. Laki kasi kami sa bugbog and then we were trained not to tell our parents kapag may kaaway, kapag binu-bully kami. We just shut up. Keep it to yourself. Kapag nagsumbong kami, pagagalitan pa kami na, ‘Ikaw ang may kasalanan, bakit ka kasi napunta doon? Eh, sana, umuwi ka na lang ng bahay.’ So, 'pag binu-bully kami, quiet na lang,” kuwento pa ni Raffy.
Ilan sa mga kapatid ni Raffy ay mga kilala ring media personalities gaya nina Erwin, Ramon at Ben. Kapatid din niya ang dating Secretary of Tourism na si Wanda Teo.
Tandang-tanda pa ni Raffy na sa kanilang magkakapatid, siya ang nagsusumikap na kumita ng pera.
“Ako 'yung pinakamahirap sa lahat ng magkakapatid. So, naranasan kong lipat-lipat sa mga kamag-anak. Papaaralin ng auntie, kapatid, and then, aabutan ng damit kasi wala akong damit. Hand me down mga damit ko, sapatos ko. Ganu'n ako kahirap. There was a time na pati 'yung pantalon ng nanay ko, kailangan, ipapa-repair ko para magamit ko. Kaya kami naghirap kasi sobrang dami namin nu'n."
Nabanggit din ng Tulfo in Action host na ang kanyang mga pinakamasaya at pinakamalungkot na karanasan sa buhay ay noong namatay ang kanyang tatay sanhi ng cancer noong 1985.
“Kasi before he died, nagkasama kami sa America and that was the moment na naramdaman ko 'yung tunay na pagmamahal ng isang ama. Inaakbayan niya ako, tapos sabi niya, ‘Sige, magsigarilyo ka, okay lang 'yan.’
"Ipinagtimpla ko siya ng kape and then, nag-thank you siya, tapos aakbayan niya ako. Nu'ng bata kami, never, 'yung distansiya, isang dipa. Hindi ko talaga natikman growing up 'yung pagmamahal ng ama. Pagdidisiplina, yes, pero 'yung pagmamahal, hindi.
"Kaya ngayon, ipinapakita ko sa anak ko na ito ako. Kung kailangan n'yo ako, 'andito ako. Pero bago namatay ang father ko, those short moments, siguro, mga isang buwan 'yun, naging close kami and sobrang naramdaman ko na 'yung pagmamahal ng isang ama."
Kaya noong siya'y magkapamilya, hindi niya ginamitan ng pisikal o disiplinang militar ang mga anak.
Sa nasabing vlog interview, hindi rin pinalampas ni Karen ang wari'y fetish ng news anchor sa mga sapatos.
Ipinakita ni Raffy kay Karen ang kanyang collection of designer polo na may halagang P10,000 to P50,000 each with brands like Versace, Fendi, Balenciaga, Hermes, Balmain, Dior, Burberry and Gucci.
“Ito 'yung mga hindi ko masyadong nagagamit. 'Yung mga ginagamit ko, meron pa ru'n sa ibang bahay. Hindi ko alam kung ilan na ‘to. Hindi na magkasya sa aparador. 'Yung iba, nai-donate na sa charity.”
Ang kanyang asawa raw ang nagsa-shopping para sa kanila.
“Ibinibigay ko lahat ng kita ko sa kanya. Hawak niya lahat ng pera ko. Kapag halimbawa, hiniwalayan ako ng misis ko, pulubi ako. Manlilimos na ako sa kalsada. Totoo 'yan,” pabiro pa niyang sabi.