ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 12, 2024
Dear Chief Acosta,
Empleyado ako sa isang bagong kumpanya na nagnanais na makapagbigay o makapag-abot ng microgrid system sa ibang malalayo at liblib na lugar sa ating bansa. Gusto ko lang masigurado na lehitimo ang aking pinasok na trabaho. Kung kaya, nais ko lamang malaman kung kinakailangan pa ng aming kumpanya na kumuha ng prangkisa sa ating gobyerno upang makapagpatakbo ng ganitong uri ng negosyo? Maraming salamat sa inyo. -- Chesca
Dear Chesca,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 6 ng Republic Act (R.A.) No. 11646, o mas kilala sa tawag na “Microgrid Systems Act”, kung saan nakasaad na:
“Section 6. Microgrid System Providers. – The ownership and operation of a microgrid system in unserved and underserved areas pursuant to this Act shall not be considered a public utility operation. For this purpose, any MGSP shall not be required to secure a franchise from Congress, but shall secure an ATO from the ERC prior to its operation. All qualified third parties (QTPs) providing alternative electric service pursuant to Section 59 of Republic Act No. 9136 are hereby renamed and shall hereafter to be known as MGSPs.
Any party, including private corporation, local government units, cooperatives, nongovernment organizations, generation companies and their subsidiaries, and DUs and their subsidiaries who have demonstrated the capability and willingness to comply with the relevant technical financial, and other requirements, may be an MGSP: Provided, That these entities shall not subsidize their respective MGSPs and shall maintain a separate account for such business undertaking pursuant to ERC’s applicable rules and guidelines on business separation and unbundling, whenever applicable.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang pagmamay-ari o operasyon ng isang microgrid system sa mga lugar na tinatawag na unserved at underserved areas ay hindi makokonsidera na isang public utility operation. Unserved areas ang tawag sa mga lugar na walang access sa elektrisidad. Underserved areas naman ang mga lugar kung saan may access sa elektrisidad ngunit hindi tuluy-tuloy sa loob ng 24 oras. (Sec. 4 (t) at (v), Id.)
Dahil dito, ang ano mang microgrid system provider ay hindi inaatasan na kumuha ng prangkisa sa Kongreso upang maipagpatuloy ang kanilang operasyon. Ganoon pa man, ang mga microgrid system providers ay inaatasan na kumuha muna ng isang Authority to Operate mula sa Energy Regulatory Commission (ERC) bago ang pagsisimula ng kanilang operasyon. Kung kaya, base sa iyong nabanggit na katanungan, bago makapagsimula ang iyong pinasukan na kumpanya ng operasyon bilang microgrid system provider, ito ay kinakailangan na mapagkalooban muna ng Authority to Operate ng ERC. Nais din namin ipaalam na ano mang paglabag sa batas ay may kaukulang parusa na naaayon sa R.A. No. 11646.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.