ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 20, 2023
Dear Chief Acosta,
Ako ay nagsimulang magtrabaho sa isang kumpanya. Kaugnay nito, pinapirma ako ng employment contract na kung saan nakasaad na ang aking buwanang sahod ay babawasan katumbas ng aking kontribusyon para sa Employees’ Compensation Commission (ECC). Tama ba iyon? - Allison
Dear Allison,
Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Presidential Decree (P.D.) No. 626 na nag-amyenda sa ilang probisyong ng P.D. No. 442, o mas kilala bilang Labor Code of the Philippines. Nakasaad sa Article 181 ng P.D. No. 626 na:
“Article 181. Employer’s contributions.
(a) Under such regulations as the System may prescribe, beginning as of the last day of the month when an employee's compulsory coverage takes effect and every month thereafter during his employment, his employer shall prepare to remit to the System a contribution equivalent to one per cent of his monthly salary credit.
(b) The rate of contributions shall be reviewed periodically and, subject to the limitations herein provided, may be revised as the experience in risk, cost of administration, and actual or anticipated as well as unexpected losses, may require.
(c) Contributions under this Title shall be paid in their entirety by the employer and any contract or device for the deduction of any portion thereof from the wages or salaries of the employees shall be null and void.
(d) When a covered employee dies, becomes disabled or is separated from employment, his employer’s obligation to pay the monthly contribution arising from that employment shall cease at the end of the month of contingency and during such months that he is not receiving wages or salary.”
Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas na siyang sumasaklaw sa ECC, ang pagbabayad ng kabuuang kontribusyon ng isang empleyado kaugnay sa nasabing benepisyo ay tungkulin ng kanyang employer. Malinaw din na nakasaad dito na ang anumang kontrata o usapin na salungat sa mandato ng batas ay walang bisa.
Samakatuwid, bagama’t nakasaad sa iyong employment contract na ibabawas sa iyong sahod ang iyong kontribusyon sa ECC, ang nasabing kasunduan ay walang bisa sapagkat ito ay hindi maaaring manaig sa itinalaga ng batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaarig magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.