ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Karapatan | July 23, 2023
Sa ating bansa, gaano man ito naging maunlad sa larangan ng teknolohiya, hindi maikakaila na marami pa rin sa ating mga kababayan na pagsasaka ang pangunahing pinagkakakitaan.
Ito ay bunsod na rin sa mayaman ang angking kalupaan ng ating bansa. Subalit hindi rin lingid sa kaalaman ng lahat na marami pa rin sa ating mga kababayan ang walang pag-aaring lupain at sila ay nakikisaka lamang sa mga kababayan nating mas naging maswerte sa buhay at nakapagpundar ng kanilang sariling kalupaan.
Kaya naman, may mga batas tayo na naglalayong magbigay ng proteksyon sa mga kababayan nating nagsasaka sa lupain ng iba. Ito ay upang bigyang halaga ang kasabihan na ang mga taong salat sa kayamanan ay dapat na mabigyan nang mas higit na konsiderasyon ng ating batas.
Kapag ang magsasaka at ang may-ari ng lupa ay may kasunduan na hati sila sa binhi na itatanim, ganundin sa abono na ilalagay bilang pataba sa mga pananim, ang relasyon nila ay hindi bilang landlord at tenant. Bagkus, isang partnership ang nabuo sa pagitan nila.
Nakasaad sa Articles 1767 at 1771 ng New Civil Code of the Philippines ang mga sumusunod:
“Article 1767: By the contract of partnership two or more persons bind themselves to contribute money, property, or industry to a common fund, with the intention of dividing the profits among themselves.
“Article 1771: A partnership may be constituted in any form, except where immovable property or real rights are contributed thereto, in which case a public instrument shall be necessary.”
Mula sa probisyon ng nabanggit na batas ay makikita natin na ang nabuong relasyon ay isang partnership. Ang kontribusyon ng bawat isa sa nasabing partnership ay lupa at kalahati ng binhi at abono o pataba na mula sa may-ari, at ang natitirang kalahati ng binhi at abono at serbisyo o pagtatrabaho mula sa magsasaka. Anumang kikitain sa pagtatanim ay paghahatian nilang dalawa nang patas.
Bagama’t ang isang partnership ay dapat na nakalagay sa isang nakasulat na kontrata kapag mayroong lupang nakasama sa kontribusyon, ang naging kasunduan ng magsasaka at may-ari ng lupa o sakahan ay mayroon pa ring epekto sa pagitan nilang dalawa at marapat lamang na maisakatuparan ang napagkasunduan nang mayroong maayos na kalooban. Subalit, dapat na mapanatili na iyon lamang mga napagkasunduan ng parehong panig ang mangyari. Kung mayroon pang ginawa ang magsasaka na taliwas sa napagkasunduan katulad ng pagpapatayo ng istraktura na hindi nalalaman ng may-ari ng lupa, maaari itong ipatanggal sa nasabing magsasaka sa sarili niyang gastos, sapagkat ang sinuman na magtayo ng isang istraktura sa lupa ng ibang tao na walang pahintulot ay tinataguriang isang “builder in bad faith” alinsunod sa Article 449 ng New Civil Code kung saan nakasaad na:
“He who builds, plants or sows in bad faith on the land of another, loses what is built, planted or sown without right to indemnity.”
Kung mayroon namang nakitang paglabag sa kasunduan ay maaaring wakasan ang naging kasunduan bilang “partners” dahil sa mga paglabag sa mga napagkasunduan.
Kinakailangan lamang na ang lehitimong hati sa ani ng lupang sinaka ay maibigay sa bawat isa.