ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 4, 2023
Dear Chief Acosta,
Kaga-graduate ko lang sa kolehiyo. Gusto kong agad-agad magkatrabaho para makatulong sa aking mga magulang. Kung kaya, nagsisimula na akong maghanda ng requirements na kakailanganin sa pag-a-apply sa trabaho. Malaking tulong sa akin kung makakatipid ako sa mga gastusin, lalo na at first time ko pa lang maghahanap ng trabaho. Gaano katotoo na maaari akong makapag-request ng mga dokumento na gagamitin ko sa pag-a-apply sa aking trabaho, tulad ng birth certificate at NBI clearance, nang libre? - Kyla
Dear Kyla,
Para sa iyong kaalaman, naisabatas ang Republic Act No. 11261 (RA No. 11261), o kilala bilang “First Time Jobseekers Assistance Act,” na naglalayon na maitaguyod ang pagkakapantay-pantay sa mga oportunidad sa trabaho para sa lahat, sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas madaling access sa mga dokumento sa ganitong pagkakataon. Ang nasabing batas ay nagsasaad ng mga sumusunod:
“Section 3. Waiver of Fees and. Charges. - Subject to exceptions provided in Section 8 of this Act, all government agencies and instrumentalities, including government-owned and -controlled corporations (GOCCs), local government units (LGUs), and government hospitals shall not collect fees or charges from a first time jobseeker: Provided, That such fee or charge is paid in connection with the application for and the granting of licenses, proofs of identification, clearances, certificates or other documents usually required in the course of employment locally or abroad: Provided, further, That the benefit provided under this Act shall only be availed of once.
Section 4. Covered Governmental Transactions. - No fees and other charges shall be collected from first time jobseekers when obtaining the following, subject to the requirement in Section 5:
(a) Police clearance certificate;
(b) National Bureau of Investigation clearance;
(c) Barangay clearance;
(d) Medical certificate from a public hospital, provided that fees and charges collected for laboratory tests and other medical procedures required for the grant of a medical certificate shall not be free of charge;
(e) Birth Certificate;
(f) Marriage Certificate;
(g) Transcript of academic records issued by state colleges and universities;
(h) Tax Identification Number (TIN);
(i) Unified Multi-Purpose ID (UMID) card;
(j) Other documentary requirements issued by the government that may be required by employers from job applicants.”
Sa ilalim ng batas na ito, ang lahat ng mga ahensya at instrumentalidad ng gobyerno, kabilang ang mga government-owned and-controlled corporations (GOCCs), local government units (LGU), at ospital ng gobyerno ay hindi dapat mangolekta ng mga bayarin o singil mula sa mga first time na naghahanap ng trabaho, sa pagkuha nila ng mga dokumentong nabanggit sa itaas kung ang kanilang layunin ay may kaugnayan sa aplikasyon at pagkuha ng mga lisensya, mga patunay ng pagkakakilanlan, mga clearance, mga sertipiko o iba pang mga dokumento na karaniwang kinakailangan sa kurso ng trabaho sa lokal o sa ibang bansa. Kabilang dito ang birth certificate at NBI clearance na nais mong kunin at gamitin para sa paghahanap ng trabaho.
Upang mapakinabangan ang nasabing benepisyo, ang first time job seeker na tulad mo, ay dapat makapagpakita ng sertipikasyon mula sa barangay na nagsasaad na ang aplikante ay first time na naghahanap ng trabaho. Tandaan lamang na sa ilalim ng batas, ang benepisyong ito ay isang beses lamang magagamit. Kaya mainam na sulitin ito ng mga first time job seekers.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.