ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 15, 2024
Dear Chief Acosta,
Ang aking pamilya ay may limang ektaryang lupang sakahan na kumukuha ng tubig mula sa patubigan ng National Irrigation System (NIS). Mayroon bang tulong na maibibigay ang gobyerno kaugnay sa patubig ng aming sakahan? -- Lauro
Dear Lauro,
Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act (R.A.) No. 10969 o kinikilala bilang Free Irrigation Service Act. Nakasaad sa Section 3 ng batas na:
“Section 3. Scope of Free Irrigation Service. -- Upon the effectivity of this Act, all farmers with landholdings of eight (8) hectares and below are hereby exempted from paying irrigation service fees (ISF) for water derived from national irrigation systems (NIS) and communal irrigation systems (CIS) that were, or are to be, funded, constructed, maintained and administered by the National Irrigation Administration (NIA) and other government agencies, including those that have been turned over to irrigators associations (IAs).
Farmers with more than eight (8) hectares of land, corporate farms, and plantations drawing water for agricultural crop production; and fishponds and other persons, natural or juridical, drawing water for nonagricultural purposes from NIS and CIS, or using the irrigation systems as drainage facilities, shall continue to be subject to the payment of ISF.”
Alinsunod sa nabanggit na probisyon ng batas, ang lahat ng magsasaka na nagmamay-ari ng lupang sakahan na may sukat na walong ektarya at pababa, ay hindi na kinakailangan pang magbayad ng irrigation service fees (ISF) para sa patubig buhat sa mga national irrigation systems (NIS), at maging mula sa communal irrigation systems na pinondohan, ipinatayo, at pinangangasiwaan ng National Irrigation Authority (NIA) at ng iba pang ahensya ng gobyerno. Nakasaad din sa batas na ang mga nasabing magsasaka ay hindi na rin magbabayad ng ISF sa mga patubigan na inilipat sa pangangasiwa ng irrigators associations (IAs). Sa kadahilanang ang lupang sakahan na iyong pagmamay-ari ay may sukat na limang ektarya na lamang at ang nasabing lupain ay napapatubigan ng NIS, ikaw ay kuwalipikado para sa nasabing benepisyo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.