ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 22, 2023
Dear Chief Acosta,
Mayroon akong kapitbahay na aking nakaalitan sapagkat pinaghihinalaan niya akong may gusto sa kanyang asawa. Bawat maliit na bagay ay palagi niyang ginagawan ng malaking issue, at kanyang pinagkakalat sa aming barangay kung gaano niya ako kinamumuhian. Isang araw ay natagpuan kong flat ang gulong ng aking sasakyan. Ito ay hindi lamang na-flat kundi sinadyang butas-butasan sa iba’t ibang parte nito.
Upang malaman kung sino ang salarin sa pagkasira nito ay minabuti kong ipa-check sa barangay ang CCTV sa lugar namin. Hindi na ako nagulat noong nakita ko na ang aking kapitbahay ang may kagagawan ng pagkasira ng aking gulong. Ano ang maaari kong ikaso sa kanyang ginawa? - Fred
Dear Fred,
Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Article 327 ng ating Revised Penal Code:
“Art. 327. Who are liable for malicious mischief. — Any person who shall deliberately cause the property of another any damage not falling within the terms of the next preceding chapter shall be guilty of malicious mischief.”
Sang-ayon sa nabanggit, may karampatang kasong kriminal na Malicious Mischief ang intensyonal na pagsira ng mga personal na gamit na pagmamay-ari ng iba. Ayon din sa napagdesisyunang kaso ng Korte Suprema sa Taguinod v. People (G.R. No. 185833, 12 October 2011, Ponente: Retired Honorable Chief Justice Diosdado M. Peralta), ang mga elemento para magkaroon ng kasong Malicious Mischief ay ang mga sumusunod:
“(1) That the offender deliberately caused damage to the property of another; (2) That such act does not constitute arson or other crimes involving destruction; (3) That the act of damaging another's property be committed merely for the sake of damaging it.”
Kaya naman sa iyong sitwasyon, ang intensyonal na pagsira ng iyong kapitbahay sa iyong gulong para lamang sirain ito dahil sa inyong hindi magandang samahan ay maaaring magresulta sa kasong Malicious Mischief. Sa madaling salita, ang pagsira ng gamit na pagmamay-ari ng iba ay maaaring maging sanhi ng pagkakakulong.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.