ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 12, 2023
Dear Chief Acosta,
Ang aking anak ay pinamanahan ng lupa ng kanyang yumaong tiyo noong siya ay tatlong taong gulang pa lamang. Siya ngayon ay 10 taong gulang na at ako ay nawalan ng trabaho, dahilan kung kaya kami ay wala nang kakayahan upang tustusan ang kanyang mga pangangailangan, maging ang kanyang pag-aaral. Gusto kong malaman kung maaari ba naming ipagbili na mag-asawa ang nasabing lupa kahit na ang titulo ay nasa pangalan ng aming anak nang sa gayon ay may maipantustos kami sa kanyang mga pangangailangan? - Relyn
Dear Relyn,
Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Executive Order No. 209 s. 1987, o mas kilala bilang The Family Code of the Philippines. Nakasaad sa Article 225 nito na:
“Art. 225. The father and the mother shall jointly exercise legal guardianship over the property of the unemancipated common child without the necessity of a court appointment. In case of disagreement, the father’s decision shall prevail, unless there is a judicial order to the contrary.
Where the market value of the property or the annual income of the child exceeds P50,000, the parent concerned shall be required to furnish a bond in such amount as the court may determine, but not less than ten per centum (10%) of the value of the property or annual income, to guarantee the performance of the obligations prescribed for general guardians.”
Samantala, ang kapangyarihan ng mga magulang kaugnay sa ari-arian ng kanilang anak ay binigyang-linaw ng Korte Suprema sa kaso ng Amelia B. Hebron v. Franco L. Loyola, et al., G.R. No. 168960, 05 July 2010, Ponente: Honorable Associate Justice Mariano C. Del Castillo:
“The minor children of Conrado inherited by representation in the properties of their grandparents Remigia and Januario. These children, not their mother Victorina, were the co-owners of the inherited properties. Victorina had no authority or had acted beyond her powers in conveying, if she did indeed convey, to the petitioner’s mother the undivided share of her minor children in the property involved in this case.
“The powers given to her by the laws as the natural guardian covers only matters of administration and cannot include the power of disposition. She should have first secured the permission of the court before she alienated that portion of the property in question belonging to her minor children.”
In a number of cases, where the guardians, mothers or grandmothers, did not seek court approval of the sale of properties of their wards, minor children, the Court declared the sales void.”
Alinsunod sa batas at sa nabanggit na desisyon ng Korte Suprema, ang kapangyarihan na itinalaga ng batas sa mga magulang kaugnay sa ari-arian ng kanilang menor-de-edad na anak ay sumasaklaw lamang sa pangangasiwa nito, at hindi sa pagbenta o paglipat ng nasabing ari-arian, o anumang uri ng disposisyon ng nasabing ari-arian. Ang mga magulang ay marapat na humingi ng pahintulot mula sa korte, kung kanilang ipagbibili ang ari-arian ng kanilang menor-de-edad na anak. Kaugnay nito ang anumang disposisyon na labag sa batas ay maaaring ideklarang walang bisa.
Kaya naman, hindi mo maaaring ibenta nang basta lamang ang lupang minana ng iyong anak. Kailangan mo munang humingi ng pahintulot mula sa korte, at kung ang halaga ng lupa ay higit P50,000.00, kailangan din na magbigay ka ng bond.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.