ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 15, 2023
Dear Chief Acosta,
Ako ay isang rehistradong agricultural and biosystems engineer sa ating bansa sa loob ng isang taon na. Ganunpaman, may iilang tao ako na kilala na hindi naman rehistrado o lisensyado ngunit ginagawa ang mga aktibidad na maaaring gawin lamang ng isang rehistradong agricultural and biosystems engineer. May batas ba silang nilalabag? Salamat. - Annie
Dear Annie,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 42 ng Republic Act No. 10915, na mas kilala sa tawag na “Philippine Agricultural and Biosystems Engineering Act of 2016,” kung saan nakasaad na:
“Section 42. Penalties. - In addition to the administrative sanctions imposed under this Act, any person who violates any of the provisions of this Act, or any of the following acts shall, upon conviction, be penalized by a fine of not less than one hundred thousand pesos (P100,000.00) but not more than five hundred thousand pesos (P500,000.00), or imprisonment of not less than six (6) months but not more than five (5) years, or both fine and imprisonment, at the discretion of the court:
a. Engaging in the practice of agricultural and biosystems engineering in the Philippines without being registered or without conforming to the provisions of this Act;
b. Presenting or attempting to use as his/her own the COR and/or professional identification card of another registered agricultural and biosystems engineer or a holder of a TSP.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, isang paglabag sa batas ang pagganap sa mga aktibidad ng isang agricultural and biosystems engineer kung siya ay hindi naman rehistrado o lisensyado nang naaayon sa batas. Gayundin, ang pagpapanggap sa pamamagitan ng pagpresenta, o kahit pagtatangka na magpresenta ng certificate of registration, identification card o temporary/special permit, ng ibang rehistradong agricultural and biosystems engineer. Sa iyong nabanggit na sitwasyon, isang paglabag sa batas kung ang isang tao na hindi rehistrado nang naaayon sa batas ay gagampanan o gagawin ang aktibidad na isang lisensyadong agricultural and biosystems engineer lamang ang maaaring gumawa. Nais din namin ipaalam na kung ang isang tao ay mapatunayan na nagkasala, siya ay maaaring mapatawan ng karampatang parusa tulad ng pagmumulta o pagkakakulong.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.