ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 29, 2023
Dear Chief Acosta,
Namatay ang aking pribadong abogado kaya kinausap ko ang kaibigan ko na nag-aaral ng abogasya at sinabi niya sa akin na dahil isa sa mga empleyado ng law firm ang namatay kong abogado, ang naturang law firm na ang bahala at hahawak sa aking kaso. Gusto ko lang malaman kung tama ba ang sinabi niya sa akin? - Lulu
Dear Lulu,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 55, Canon III, ng Code of Professional Responsibility and Accountability (A.M. No. 22-09-01-SC dated 11 April 2023) na inilabas ng ating Korte Suprema, kung saan nakasaad ang mga sumusunod:
“SECTION 55. Termination of engagement upon death. – The death of a lawyer or client shall terminate the lawyer-client relationship. The death of such lawyer shall not extinguish the lawyer-client engagement between the law firm and the client handled by such law firm.”
Batay sa nabanggit na probisyon, ang pagkamatay ng isang abogado o kliyente ay magwawakas sa relasyon ng abogado-kliyente. Ang pagkamatay ng naturang abogado ay hindi dapat pawiin ang relasyon ng abogado-kliyente sa pagitan ng law firm at ng kliyenteng pinangangasiwaan ng naturang law firm. Samakatuwid, ang relasyon ng kliyente ay hindi lamang sa mismong abogado na humahawak sa kanya. Bagkus, sinasakop ng relasyong ito ang law firm na kinabibilangan ng isang abogado.
Ayon sa iyo, mayroon kang pribadong abogado na namatay at siya ay isa sa mga empleyado ng law firm na humahawak sa iyong kaso. Samakatuwid, tama ang sinabi ng iyong kaibigan na ang law firm ng namatay mong abogado ang bahala sa iyong kaso dahil ang pagkamatay ng iyong abogado ay hindi dapat pawiin ang relasyon ng abogado-kliyente sa pagitan mo at ng law firm na kanyang nirerepresenta.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.