ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 03, 2023
Dear Chief Acosta,
Namatay ang asawa ng aking pinsang babae noong nakaraang buwan, ngunit, limang taon na rin silang nagkahiwalay nito bilang mag-asawa. Dahil dito ay balak na ng aking pinsan na kaagad na magpakasal sa kanyang bagong kinakasama. Subalit, sinabihan sila ng aming kapitan na maaaring makulong ang aking pinsan kung siya ay magpakasal nang kakamatay pa lamang ng kanyang tunay na asawa. Totoo bang may batas na ganito? - Neneng
Dear Neneng,
Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Section 351 ng Act No. 3815 o mas kilala sa tawag na “Revised Penal Code of the Philippines”, ang mga sumusunod:
“ARTICLE 351. Premature Marriages. — Any widow who shall marry within three hundred and one days from the date of the death of her husband, or before having delivered if she shall have been pregnant at the time of his death, shall be punished by arresto mayor and fine not exceeding 500 pesos.”
Sang-ayon sa nabanggit, ang isang biyuda ay maaaring maparusahan ng pagkakabilanggo at pagmumulta kung siya ay magpapakasal sa ibang lalaki nang hindi pa natatapos ang 301 araw mula sa pagkamatay ng kanyang naunang asawa.
Ito marahil ang tinutukoy ng inyong kapitan. Subalit, ang nasabing batas na ito ay na-repeal o naipawalang-bisa na sang-ayon sa Republic Act No. 10655 kung saan nabanggit na:
“SECTION 1. Without prejudice to the provisions of the Family Code on paternity and filiation, Article 351 of Act No. 3815, otherwise known as the Revised Penal Code, punishing the crime of premature marriage committed by a woman, is hereby repealed.”
Ibig sabihin, ang premature marriages sa ilalim ng Revised Penal Code of the Philippines ay naipawalang-bisa na sa bisa ng Republic Act No. 10655. Kaya naman, hindi na maaari pang kasuhan at ipakulong ang iyong biyudang pinsan kung sakaling siya ay magpapakasal kaagad sa kanyang bagong kinakasama.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.