ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 18, 2023
Dear Chief Acosta,
Nagbakasyon ang kapatid ko sa isang hotel resort. Bagama’t dala niya ang sarili niyang sasakyan, mayroong libreng shuttle service ang naturang establisimyento, kung kaya’t sa shuttle service na lamang siya sumasakay kung kailangan niyang maglibot sa resort at iniiwan na lamang niya ang kanyang sasakyan sa parking lot na nasa likod lamang ng naturang hotel ngunit pagmamay-ari pa rin ng nasabing panuluyan. Sa kasamaang palad ay nagtamo ng mga sira ang kanyang sasakyan.
Nagkaroon diumano kasi ng nakawan sa nasabing hotel at nang sinusugpo na ang mga armadong magnanakaw ay nagkaroon ng palitan ng mga putok ng baril at tinamaan ang sasakyan ng kapatid ko. Nais ng kapatid ko na sagutin ng pamunuan ng hotel ang pagpapaayos ng kanyang sasakyan, ngunit ang sabi diumano sa kanya ng isang tauhan doon ay hindi nila ito pananagutan. Tama ba iyon? Sana ay malinawan ninyo ako. - Lando
Dear Lando,
Sa ilalim ng ating Batas Sibil, mayroong responsibilidad ang pamunuan ng mga hotel at kawangis na establisimyento sa mga gamit na ilalagak sa kanila ng kanilang mga panauhin. Hindi lamang ito limitado sa mga damit at katulad na personal na gamit ng mga panauhin. Bagkus, kabilang dito ang sasakyan at iba pang kagamitan na dala ng kanilang panauhin sa loob ng nasabing hotel at maging sa mga karugtong nitong lugar o istraktura. Malinaw na nakasaad sa Artikulo 1998 at 1999 ng New Civil Code of the Philippines:
“Art. 1998. The deposit of effects made by the travellers in hotels or inns shall also be regarded as necessary. The keepers of hotels or inns shall be responsible for them as depositaries, provided that notice was given to them, or to their employees, of the effects brought by the guests and that, on the part of the latter, they take the precautions which said hotel-keepers or their substitutes advised relative to the care and vigilance of their effects.
Art. 1999. The hotel-keeper is liable for the vehicles, animals and articles which have been introduced or placed in the annexes of the hotel.”
Nais naming bigyang-diin na sa pangkalahatan, maaaring panagutin ang pamunuan ng hotel kung ang pinsala ay bunsod ng gawain ng mga kawatan, maging sila man ay kanilang kawani o ibang tao. Subalit, ayon sa batas, kung ang mga naturang kawatan ay armado o gumamit ng hindi-mapaglabanang puwersa, maikokonsidera itong force majeure kaya mawawala ang pananagutan ng pamunuan ng nasabing establisimyento.
Batay sa Artikulo 2000 at 2001 ng New Civil Code:
“Art. 2000. The responsibility referred to in the two preceding articles shall include the loss of, or injury to the personal property of the guests caused by the servants or employees of the keepers of hotels or inns as well as strangers; but not that which may proceed from any force majeure. The fact that travellers are constrained to rely on the vigilance of the keeper of the hotels or inns shall be considered in determining the degree of care required of him.”
Art. 2001. The act of a thief or robber, who has entered the hotel is not deemed force majeure, unless it is done with the use of arms or through an irresistible force.”
Sa sitwasyon na iyong naibahagi, magiging mainam na mapatunayan ng iyong kapatid na hindi pasok bilang force majeure ang nangyaring nakawan sa hotel na kanyang tinuluyan. Maaari siyang lumikom ng ebidensya at/o resulta ng pormal na imbestigasyon ng mga pulis at kinauukulang ahensya kaugnay sa naturang pangyayari.
Gayunpaman, kung mapatunayan ng pamunuan na sadyang armado ang mga naturang kawatan o gumamit ang mga ito ng hindi-mapaglabanang puwersa, maaari nilang hindi akuin ang responsibilidad sa pagkakapinsala ng kanyang sasakyan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.