ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 27, 2024
Dear Chief Acosta,
Ako at ang aking nobya ay nakatakdang ikasal sa susunod na taon. Nang ako ay kumuha ng kopya ng aking Certificate of No Marriage Record (CENOMAR) ay natuklasan ko na ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), ako ay ikinasal sa isang taong hindi ko kilala. Mayroon ding marriage certificate na naglalaman ng aking pangalan at impormasyon kaugnay sa kasal. Ang katotohanan ay walang naganap na kasal at ako ay walang kaalam-alam kung paano naitala ang pangalan ko sa nasabing marriage certificate. Ano ang maaari kong gawin upang maiwasto ang aking record? -- Manuel
Dear Manuel,
Para sa iyong kaalaman, ang iyong katanungan ay saklaw ng Rule 108 ng Rules of Court (Cancellation or Correction of Entries in The Civil Registry). Nakasaad sa Sections 1 at 2 ng nasabing Rule na:
“Section 1. Who may file petition. — Any person interested in any act, event, order or decree concerning the civil status of persons which has been recorded in the civil register, may file a verified petition for the cancellation or correction of any entry relating thereto, with the Court of First Instance of the province where the corresponding civil registry is located.
Section 2. Entries subject to cancellation or correction. — Upon good and valid grounds, the following entries in the civil register may be cancelled or corrected: (a) births: (b) marriage; (c) deaths; (d) legal separations; (e) judgments of annulments of marriage; (f) judgments declaring marriages void from the beginning; (g) legitimations; (h) adoptions; (i) acknowledgments of natural children; (j) naturalization; (k) election, loss or recovery of citizenship; (l) civil interdiction; (m) judicial determination of filiation; (n) voluntary emancipation of a minor; and (o) changes of name.”
Kaugnay nito, inilahad ng Korte Suprema sa kaso ng Republic of the Philippines vs. Merlinda L. Olaybar, G.R. No. 189538, 10 February 2014, na isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado na sa kalaunan ay naging Punong Mahistrado Diosdado M. Peralta, na:
“While we maintain that Rule 108 cannot be availed of to determine the validity of marriage, we cannot nullify the proceedings before the trial court where all the parties had been given the opportunity to contest the allegations of respondent; the procedures were followed, and all the evidence of the parties had already been admitted and examined. Respondent indeed sought, not the nullification of marriage as there was no marriage to speak of, but the correction of the record of such marriage to reflect the truth as set forth by the evidence.
Otherwise stated, in allowing the correction of the subject certificate of marriage by cancelling the wife portion thereof, the trial court did not, in any way, declare the marriage void as there was no marriage to speak of.”
Alinsunod sa mga nabanggit na probisyon ng batas, at desisyon ng Korte Suprema, ang sinumang may interes sa isang kaganapan na may kinalaman sa civil status ng isang tao, na naitala sa civil register, ay maaaring magpetisyon sa korte alinsunod sa paraang itinakda ng Rule 108 ng Rules of Court upang makansela o maitama ang anumang maling entry kaugnay sa mga kaganapang nabanggit. Sa inilahad na desisyon, pinahintulutan ng Korte Suprema ang pagwawasto ng isang marriage certificate sa pamamagitan ng pagkansela ng pangalan ng isa sa mga partido, matapos mapatunayan sa hukuman na siya ay hindi kailanman naging bahagi ng nasabing kasal na naitala sa civil register.
Habang ang batas ay nagtalaga ng direktang aksyon para sa declaration of nullity o annulment ng isang kasal upang ito ay maipawalang-bisa, ang mga nasabing aksyon ay hindi kakailanganin kung mapatutunayan sa korte na ang kasal ay hindi naganap kailanman. Sa iyong sitwasyon, maaari kang magsumite ng petisyon sa korte alinsunod sa Rule 108 ng Rules of Court, hindi upang ipawalang-bisa ang naunang kasal, kundi upang iwasto ang iyong tala sapagkat walang kasal na naganap.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.