ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 20, 2023
Dear Chief Acosta,
Mayroong bumangga sa akin kagabi na naging dahilan ng aking pagka-ospital. Kaya lamang, isang kapitbahay lamang ang nakakita sa mukha ng taong nakabangga sa akin. Maaari pa rin ba siyang makulong kahit na isa lamang ang witness laban sa kanya? - Kiko
Dear Kiko,
Para sa iyong kaalaman, ang sagot sa iyong katanungan ay tinalakay ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kaso ng Marissa Ceniz-Manantan v. The People of the Philippines (G.R. No. 156248 – August 28, 2007, Ponente: Honorable Associate Justice Minita Chico-Nazario), kung saan ipinaliwanag na:
“The testimony of a lone witness, if found positive and credible by the trial court, is sufficient to support a conviction especially when the testimony bears the earmarks of truth and sincerity.
Sa kaso naman ng Geronimo R. Labosta, Petitioner vs. People of the Philippines, (G.R. No. 243926 - June 23, 2020, Ponente: Honorable Associate Justice Jose C. Reyes Jr.), sinabi ng ating Korte Suprema na:
“Cases have settled that the testimony of a single, trustworthy and credible witness could be sufficient to convict an accused. This is because witnesses’ accounts are weighed, not numbered.”
Samakatuwid, maaaring masakdal at mahatulang may sala ang isang tao, base sa testimonya ng nag-iisang saksi, kung ang testimonyang ito ay maituturing na kapani-paniwala, makatuwiran, puno ng katotohanan, at sinsero. Ibig sabihin, maaaring masakdal ang taong bumangga sa iyo, kahit na isa lamang ang iyong saksi. Kailangan lamang na ang testimonya niya ay paniniwalaan ng korte bilang makatuwiran, puno ng katotohanan, at sinsero.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.