ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 28, 2023
Dear Chief Acosta,
Sa kasamaang palad, ang aming ama ay mayroong sakit na dementia. Dahil dito ay hindi na niya kayang mabuhay nang walang nag-aalaga sa kanya. Maraming pagkakataon rin na tuluyan na niyang nakakalimutan kaming pamilya niya. Mayroong mga ari-arian ang aming ama na dahil sa kanyang sakit ay napabayaan na niya.
Maaari bang humiling kami sa korte na kaming magkakapatid na ang mamahala ng mga ari-arian ng aming ama kahit na nabubuhay pa siya? - Exequel
Dear Exequel,
Para sa iyong kaalaman, ang sagot sa iyong katanungan ay tinalakay ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kaso ng Lolita R. Alamayri vs. Rommel, Elmer, Erwin, Roiler and Amanda, all surnamed Pabale (G.R. No. 151243 – April 30, 2008, Honorable Associate Justice Minita V. Chico-Nazario), kung saan ipinaliwanag na:
“A guardian may be appointed by the RTC over the person and estate of a minor or an incompetent, the latter being described as x x x persons not being of unsound mind, but by reason of disease, x x x cannot, without outside aid, take care of themselves and manage their property, becoming thereby an easy prey for deceit and exploitation.”
Sa kaso rin ng Nilo Oropesa vs. Cirilo Oropesa (G.R. No. 184528 - April 25, 2012, Ponente: Honorable Associate Justice Teresita J. Leonardo-De Castro), ipinaliwanag ng ating Korte Suprema na:
“A reading of Section 2, Rule 92 of the Rules of Court tells us that persons who, though of sound mind but by reason of age, disease, weak mind or other similar causes, are incapable of taking care of themselves and their property without outside aid are considered as incompetents who may properly be placed under guardianship. The full text of the said provision reads:
Sec. 2. Meaning of the word “incompetent”. – Under this rule, the word "incompetent" includes persons suffering the penalty of civil interdiction or who are hospitalized lepers, prodigals, deaf and dumb who are unable to read and write, those who are of unsound mind, even though they have lucid intervals, and persons not being of unsound mind, but by reason of age, disease, weak mind, and other similar causes, cannot, without outside aid, take care of themselves and manage their property, becoming thereby an easy prey for deceit and exploitation.”
Sang-ayon sa nabanggit, ang isang taong itinuturing na incompetent, o hindi na kayang alagaan ang kanyang sarili o kanyang mga ari-arian ng dahil sa sakit, ay maaaring magkaroon ng isang guardian na tutulong na mag-aruga at mangalaga sa kanya at mamahala ng kanyang mga ari-arian.
Samakatuwid, base sa nabanggit na desisyon ng Korte Suprema, maaari kayong magkakapatid na humiling sa korte na maitalaga sinuman bilang guardian ng inyong ama na mangangalaga sa kanya at sa kanyang mga ari-arian, kahit na nabubuhay pa siya.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.