ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 3, 2023
Katatapos lamang ng eleksyon sa ating mga barangay. Ito ay isang importanteng halalan sapagkat ang barangay ang itinuturing ng batas na pinakamaliit na unit ng pamayanan.
Ang kaayusan at kaguluhan ng isang barangay ay mayroong epekto sa pamahalaang lokal at sa buong pamayanan. Kaya naman, marapat lamang na bigyan ng halaga ng lahat ng mga mamamayan ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Gayundin, ang mga nanalo sa nasabing eleksyon ay dapat malaman ang kanilang mga obligasyon bilang mga hinalal na mamahala sa kani-kanilang barangay.
Sa pagkakataong ito ay marapat lamang na ating sariwaing muli at pagnilayan ang usapin ukol sa mga karapatan, at lalo na sa mga obligasyon ng mga nahalal na mga Kagawad o miyembro ng Sangguniang Barangay.
Ang Sangguniang Barangay bilang local legislative body ng barangay ay may karapatan at obligasyon katulad ng mga sumusunod:
1. Magsagawa ng ordinansa (ordinance) na kinakailangan upang maipatupad ang mga responsibilidad na iniatas ng batas, at upang isulong ang kapakanan ng lahat ng mga mamamayan sa loob ng barangay;
2. Magsagawa ng mga ordinansang patungkol sa pagbubuwis sang-ayon sa limitasyon na nakapaloob sa probisyon ng Local Government Code;
3. Magsagawa ng taunan at supplemental na badyet sang-ayon sa probisyon ng Local Government Code;
4. Maglaan ng pondo para sa pagpapagawa at pagpapanatili ng mga pasilidad ng barangay at iba pang publikong proyekto na kukunin mula sa general funds ng barangay;
5. Magsumite sa Sangguniang Panlungsod o Sangguniang Bayan ng suhestiyon o rekomendasyon para sa ikabubuti at ikauunlad ng barangay na kanilang nasasakupan at para sa kapakanan ng mga taong nasasakupan nila;
6. Tumulong at gumabay sa pagtatag ng mga establisimyento at organisasyon, at pagpapalakas ng mga kooperatiba sa barangay na maaaring magpaganda sa kondisyong pang-ekonomiya ng mga mamamayan sa barangay;
7. Bigyan ng regulasyon ang paggamit ng mga multi-purpose halls, pavements, grain/copra dryers at ng iba pang post-harvest facilities, barangay waterworks, barangay markets, parking areas, at iba pang pasilidad na naisagawa gamit ang kaban ng gobyerno sa loob ng hurisdiksyon ng barangay at magpabayad ng halaga para sa pagpapagamit ng mga ito;
8. Maglikom o tumanggap ng pera, materyales, o boluntaryong trabaho para sa isang gawaing pampubliko o pang-kooperatiba mula sa mga residente, nagmamay-ari ng lupa, producers, at mangangalakal sa nasabing barangay; pera mula sa mga grants-in-aid subsidies at kontribusyon o mula sa national, provincial, city o municipal funds; at iba pang pera mula sa mga pribadong ahensya at indibidwal. Kinakailangan lamang na ang mga pera o ari-arian na ipinamahagi o donasyon mula sa mga pribadong ahensya at indibidwal para sa mga ispesipikong layunin ay mailagay sa trust fund ng barangay;
9. Magbigay ng kompensasyon at resonableng allowance o per diem, at gastusin para sa pagbiyahe ng mga miyembro ng sangguniang barangay at iba pang opisyales ng barangay sang-ayon sa limitasyon ng badyet na itinalaga sa Title V, Book II ng Local Government Code. Subalit walang pagtaas ng allowance, kompensasyon o honoraria para sa mga Sangguniang Bayan members ang magiging epektibo hanggang sa matapos ang buong termino ng lahat ng mga sangguniang barangay members na nag-apruba ng nasabing pagtaas;
10. Magsagawa ng mga remedy upang maiwasan at makontrol ang pagdami ng mga squatters at mahihirap sa barangay;
11. May karapatan ang mga Sangguniang Barangay members na tumanggap ng honoraria, allowance at iba pang emoluments na pinapayagan ng batas o ordinansa ng barangay batay sa probisyon ng Local Government Code. Ang mga nabanggit na benepisyo ay hindi dapat bababa sa P600.00 para sa bawat miyembro ng Sangguniang Barangay;
12. Ang bawat miyembro ng Sangguniang Barangay ay may karapatan din na makatanggap ng Christmas bonus na humigit-kumulang sa P1,000.00;
Bukod sa kompensasyon o allowance, may karapatan din ang bawat miyembro ng Sangguniang Barangay na magkaroon ng libreng medical care kabilang ang gamot at pagpapagamot sa mga pampublikong ospital. Sakop ng nasabing hospital care ang operasyon at gastusin sa pagpapaopera, gamot, x-rays, laboratory fees at ng iba pang gastusing pang-ospital. Sa mga pagkakataon ng matinding pangangailangan sa madaliang pagkilos at walang pampublikong ospital o institusyon, ang barangay official ay maaaring magpunta sa pinakamalapit na pribadong klinika, ospital o institusyon at ang mga gugugulin sa nasabing klinika o ospital na hindi hihigit sa P5,000.00 ay maaaring kunin sa pondo ng barangay kung saan ang nasabing opisyal ng barangay ay naglilingkod;
12. Karapatang makatanggap ng libreng matrikula para sa kanilang mga lehitimong anak na nag-aaral sa mga state universities o colleges na nasa probinsya o siyudad kung nasaan ang barangay sa panahon ng panunungkulan ng mga nabanggit na barangay official.