ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 18, 2023
Dear Chief Acosta,
Nagkaroon ng pangho-hold-up sa karinderya malapit sa aking pinagtatrabahuhan at ang pinagbibintangan ay si M na isang trabahador sa kalapit na gusali. Ayon diumano kay M ay wala siya sa nasabing lugar noong araw ng nakawan. Hindi diumano siya pumasok sa trabaho, ngunit wala sa mga katrabaho niya ang nais tumestigo para sa kanya. Tanging pagtanggi lamang niya laban sa positibong pagkilala sa kanya ng tauhan ng karinderya na isa siya sa mga nanghold-up ang kanyang depensa. Makakalusot kaya sa pagkakasangkot si M? - Chito
Dear Chito,
Ang pagtanggi at pagdadahilan ay karaniwang depensa ng mga tao na inaakusahan ng krimen. Bagaman hindi ipinagbabawal ang paggiit sa hukuman ng naturang depensa, ang pagtanggi ay likas na mahinang uri ng pagtatanggol laban sa positibong akusasyon, lalo na kung ito ay hindi suportado ng iba pang kongkreto at malinaw na ebidensya.
Sa sitwasyon na inilahad mo, tanging pagtanggi ang iginigiit ni M – na siya ay wala sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Maliban sa pagtangging iyon ay tila wala na siyang ipinepresentang testimonya ng saksi at/o ebidensya na susuporta sa kanyang alegasyon. Kung mananatiling ganito lamang ang bersyon ni M ay masasabing mahina ang kanyang depensa, lalo na at mayroong positibong nakakilala sa kanya bilang isa sa mga sangkot sa nabanggit na krimen na pangho-hold-up.
Kung sadyang nais ni M na hindi mapanagot sa nasabing krimen ay kinakailangan niyang mapatunayan, nang mayroong sapat na ebidensya, na siya ay wala sa pinangyarihan ng naturang nakawan at siya ay nasa higit na malayong lugar na kung saan imposible na makarating siya sa naturang karinderya o sa mga kalapit na lugar nito noong panahon ng insidente. Ipinaliwanag ng Korte Suprema, sa panulat ni Honorable Acting Chief Justice Antonio T. Carpio:
“To be able to validly use the defense of alibi, two requirements must be met: (1) that the accused was not present at the scene of the crime at the time of its commission, and (2) that it was physically impossible for him to be there at the time. Therefore, for the defense of alibi to prosper, it is not enough to prove that the accused was somewhere else when the offense was committed; it must likewise be demonstrated that he was so far away that it was not possible for him to have been physically present at the place of the crime or its immediate vicinity at the time of its commission. In this case, Vargas’ statement is self-serving and unreliable, especially as it remains unsubstantiated and uncorroborated. It is well-settled that alibi and denial are outweighed by positive identification that is categorical, consistent and untainted by any ill motive on the part of the eyewitness testifying on the matter. (People of the Philippines vs. Eric Vargas and Gina Bagacina, Accused, and Eric Vargas, Accused-Appellant, G.R. No. 230356, September 18, 2019)
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.