ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 7, 2024
Nakasaad sa Article XV ng 1987 Philippine Constitution ang mga sumusunod na probisyon ukol sa pamilya:
SEKSYON 1. Kinikilala ng Estado ang pamilyang Pilipino na pundasyon ng bansa. Sa gayon, dapat nitong patatagin ang kaisahan ng pamilyang Pilipino at aktibong itaguyod ang lubos na pag-unlad niyon.
SEKSYON 2. Ang pag-aasawa, na ‘di malalabag na institusyong panlipunan, ay pundasyon ng pamilya at dapat pangalagaan ng Estado.
SEKSYON 3. Dapat isanggalang ng Estado:
(1) Ang karapatan ng mga mag-asawa na magpamilya nang naaayon sa kanilang mga pananalig na panrelihiyon at sa mga kinakailangan ng responsableng pagpapamilya;
(2) Ang karapatan ng mga bata na mabigyan ng kalinga, kasama ang wastong pag-aalaga at nutrisyon at natatanging proteksyon sa lahat ng mga anyo ng pagpapabaya, pag-aabuso, pagmamalupit, pagsasamantala at iba pang kondisyong nakapipinsala sa kanilang pag-unlad;
(3) Ang karapatan ng pamilya sa sahod at kita na sapat ikabuhay ng pamilya; at
(4) Ang karapatan ng mga pamilya o ang mga asosasyon nito na lumahok sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga patakaran at mga programa na nakaaapekto sa kanila.
SEKSYON 4. Ang pamilya ay may tungkuling kalingain ang matatandang miyembro nito ngunit maaari ring gawin ito ng Estado sa pamamagitan ng makatarungang mga pamaraan ng kapanatagang panlipunan.
Malinaw sa ating Saligang Batas na kinikilala ng Estado ang pamilyang Pilipino bilang pundasyon ng institusyon at ng bansa. Bilang pagkilala ay kinakailangang papanatagin ng Estado ang kaisahan at pag-unlad nito. Nang dahil dito, itinuturing ng Estado ang pag-aasawa bilang isang panlipunang institusyon na hindi dapat na malabag at kinakailangang mapangalagaan ng Estado.
Kaya naman sa ating Family Code, nakapaloob ang mga sumusunod na probisyon:
Marriage is a special contract of permanent union between a man and a woman entered into in accordance with law for the establishment of conjugal and family life. It is the foundation of the family and an inviolable social institution whose nature, consequences, and incidents are governed by law and not subject to stipulation, except that marriage settlements may fix the property relations during the marriage within the limits provided by this Code.
Kung ating susuriin ang mga nabanggit na probisyon, makikita natin na ang pagpapakasal ay kinikilala bilang isang institusyon kung saan ang lahat ng insidente at bagay na may kinalaman dito ay marapat na base sa kung ano ang sinasabi ng batas.
Ang pag-aasawa ay hindi maaaring maging suheto ng isang kasunduan maliban kung ang usapin ng kasunduan ay patungkol sa marriage settlement kung saan inaayos ng mag-asawa ang kanilang relasyon na may kinalaman sa kanilang mga ari-arian. (Article 1, E.O. 209).
Nararapat din na igalang ng Estado ang karapatan ng mag-asawa na magtatag ng kanilang pamilya sang-ayon sa kanilang pananalig sa kanilang relihiyon at sa kung ano ang mga kinakailangan na naaayon sa responsableng pagtataguyod ng pamilya.
Pinangangalagaan din ng pamahalaan ang karapatan ng mga bata na mabigyan ng kalinga, kasama ang wastong pag-aalaga at nutrisyon, at natatanging proteksyon sa lahat ng mga anyo ng pagpapabaya, pag-aabuso, pagmamalupit, pagsasamantala at iba pang kondisyong nakapipinsala sa kanilang pag-unlad. Kaya naman may mga batas tayo na ipinatutupad upang pangalagaan ang kapakanan ng isang bata laban sa anumang uri ng pang-aabuso.
Marami ang pangangailangan ng pamilyang Pilipino kaya naman pinangangalagaan ng Estado ang karapatan ng bawat miyembro ng pamilya na mabigyan ng sapat na sahod at kita para sa ikabubuhay ng pamilya. Nang dahil dito ay may mga batas din tayo na nangangalaga ng kapakanan ng ating mga manggagawa.
May karapatan din ang bawat pamilyang Pilipino na lumahok sa mga asosasyon na nagtataguyod ng patakaran at programa na nakakaapekto sa kapakanan ng pamilyang Pilipino.
Sa paglipas ng panahon ay maraming programa ang itinatag ng pamahalaan upang mapangalagaan ang pamilyang Pilipino katulad na lamang ng “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development. Ang 4Ps ay isang hakbang ng pamahalaan para sa pagpapabuti ng kalagayang pantao ng ating mga kababayan. Nagbibigay ito ng conditional na tulong-pinansyal para sa pinakamahihirap na Pilipino upang pabutihin ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0 hanggang 18 taong gulang. Kailangang matupad ng mga pamilya ang mga kondisyon ng pamahalaan upang maibigay sa kanila ang tulong-pinansyal. Halaw ito sa programang Conditional Cash Transfer ng mga bansa sa Latin Amerika at Aprika, na nag-alpas sa kahirapan ng milyun-milyong tao sa buong mundo. (www.official gazette.gov.ph)
Sa dulo ng nabanggit na artikulo ng ating Saligang Batas, nakasaad din ang pagkalinga ng isang pamilya sa matatandang miyembro nito. Likas sa ating mga Pilipino ang pangalagaan ang ating mga mahal sa buhay na umabot na sa kanilang pagiging senior citizen. Ngunit ang nabanggit na pangangalaga ay maaari ring gawin ng Estado sa pamamagitan ng makatarungang mga pamamaraan ng kapanatagang panlipunan.
Kaya naman, may batas din tayo na tumutukoy sa social security at karapatan ng ating mga senior citizens.