ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 30, 2024
Kung mayroong conjugal partnership of gains at absolute community property regime, mayroon din namang tinatawag na regime of separation of property bilang property relations ng mag-asawa.
Ang ganitong uri ng property relation ng mag-asawa ay nangyayari sa pagkakataong ito ang napagkasunduan nila sa kanilang marriage settlement. Kapag hindi nila ito napagkasunduan, ang paghihiwalay ng mga ari-arian ng mag-asawa habang sila ay kasal pa ay maaari lamang mabigyan ng katuparan kapag mayroong utos ang husgado. Ito ay sapagkat ang pamilya, bilang pangunahing pundasyon ng lipunan, ay isang pinagmulang institusyon na pinoprotektahan at pinangangalagaan ng publiko. Kaugnay nito, ang relasyon ng pamilya ay pinamamahalaan ng batas at walang nakasanayang kaugalian o kasunduan na maaaring sumira sa pamilya ang kikilalanin o bibigyan ng halaga.
Upang pangalagaan ng batas ang pamilya bilang isang institusyon, ang separation of property regime ay pinapayagan lamang ng husgado sa mga sumusunod na sitwasyon:
Ang asawa ng naghain ng petisyon ay nadeklara ng husgado na “absentee”;
Ang asawa ng naghain ng petisyon ay nagawaran ng sentensya na may kasamang parusang civil interdiction;
Ang asawa ng naghain ng petisyon ay nawalan ng parental authority sa pamamagitan ng utos ng husgado;
Kapag ang naghain ng petisyon ay iniwan ng kanyang asawa at hindi na natupad ng huli ang kanyang mga obligasyon sa kanyang asawa at pamilya;
Kapag ang asawa ng nabigyan ng kapangyarihan para pamahalaan ang mga ari-arian sa marriage settlement ay inabuso ang kanyang kapangyarihan;
Kapag ang mag-asawa ay naghiwalay na ng mahigit isang taon at malaki ang posibilidad na sila ay hindi na magkakabalikan pa.
Sa ganitong uri ng property relations ng mag-asawa, ang bawat isa sa kanila ay maaaring bumili ng mga ari-arian gamit ang kani-kanilang sariling pera. Malaya rin sila na magbenta, pamahalaan, at gamitin ang kani-kanyang mga sariling ari-arian kahit na walang pahintulot ang kanilang mga asawa. Ang kanilang mga kita mula sa kanilang propesyon, negosyo o industriya, maging ang mga produkto o bunga (civil, natural o industrial) ng kanilang mga ari-arian, ay mapupunta lamang sa taong nagtrabaho o nagpundar nito. Hindi sila nanghihimasok sa desisyon ng bawat isa pagdating sa pangangalaga at paggamit ng kani-kanyang mga ari-arian maliban lamang na paghahatian nila ang gastusin ng pamilya ayon sa proporsyon ng kita ng bawat isa o sa market value ng kanilang mga hiwalay na ari-arian. Gayunpaman, ang mga pinagkakautangan ng pamilya para sa kanilang mga gastusin ay maaaring bayaran ng sinuman sa mag-asawa.