ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Pebrero 28, 2024
Dear Chief Acosta,
Ako ay nakatira sa isang subdivision na kung saan ang aming homeowners’ association ay naniningil ng sampung piso mula sa mga delivery rider na pumapasok sa aming subdivision upang maghatid ng iba’t ibang produkto sa mga residente. Ito ay ikinagulat ko sapagkat walang pagpupulong o pagkonsulta sa mga miyembro ng asosasyon kaugnay sa patakarang ito. Gusto kong malaman kung tama ba ang ginagawa ng aming homeowners’ association sa pangongolekta ng nasabing halaga mula sa mga delivery rider? -- Luis
Dear Luis,
Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act (R.A.) No. 9904 o kinikilala bilang Magna Carta for Homeowners and Homeowners’ Associations. Nakasaad sa Section 10 ng batas na:
“Section 10. Rights and Powers of the Association. - An association shall have the following rights and shall exercise the following powers:
xxx
(d) Regulate access to, or passage through the subdivision/village roads for purposes of preserving privacy, tranquility, internal security, and safety and traffic order: Provided, That: (1) public consultations are held; (2) existing laws and regulations are met; (3) the authority of the concerned government agencies or units are obtained; and (4) the appropriate and necessary memoranda of agreement are executed among the concerned parties...
xxx”
Kaugnay nito, nakasaad sa Rule XIV, Section 99 ng Department Order No. 2021-007, Series of 2021, ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), o ang 2021 Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) of Republic Act No. 9904 na:
“RULE XIV PROHIBITED ACTS Section 99. Prohibited Acts. It shall be prohibited for any person or association:
xxx
f. To exercise rights and powers as stated in Section 10 of Republic Act No. 9904 in violation
of the required consultation and approval of the required number of homeowners or members; xxx
k. To prevent access or entry to, or collect gate fees, toll or any amount for such purpose from, any utility service or delivery provider in order to enter the subdivision/village or community to deliver goods or services ordered by the members or residents...
xxx”
Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas at kaakibat nitong IRR, ang karapatan ng isang homeowners’ association na magpataw ng mga alituntunin kaugnay sa pagpasok o pagdaan sa loob ng subdivision ay may mga kaakibat na rekisito, at kasama rito ay ang pagsasagawa ng public consultation at pagtitiyak na ang nasabing alituntunin ay alinsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon. Sa inyong sitwasyon, sa kadahilanang ang paniningil ng halaga mula sa mga delivery riders na pumapasok sa inyong subdivision upang maghatid ng produkto sa mga residente nito ay mariing ipinagbabawal ng IRR ng R.A. No. 9904 at ang pagpapataw nito ay hindi rin dumaan ng public consultation -- malinaw na ito ay paglabag sa probisyon ng batas.
Sa pagkakataong ito, marapat na idulog ninyo ang inyong suliranin sa DHSUD upang ito ay agarang matugunan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.