ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Sep. 24, 2024
Dear Chief Acosta,
Napapansin kong medyo nahihilig sa sugal ang asawa ko. Ngayon ay maayos naman kami sapagkat marunong siyang magtimpi sa sarili at panalo pa rin ang karamihan sa kanyang mga tinataya. Ngunit ako ay natatakot kung ito ay lumala at siya ay matalo o mabaon sa utang. Maaari bang singilin sa akin ang mga magiging talo niya sa sugal o ibenta ang aming mga ari-arian dahil dito? – Antonette
Dear Antonette,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Article 95 ng Executive Order No. 209, s. 1985, o mas kilala bilang “Family Code of the Philippines.” Ayon sa mga nasabing probisyon:
“Art. 95. Whatever may be lost during the marriage in any game of chance, betting, sweepstakes, or any other kind of gambling, whether permitted or prohibited by law, shall be borne by the loser and shall not be charged to the community but any winnings therefrom shall form part of the community property.”
Sang-ayon sa nasabing probisyon, anumang matatalo mula sa anumang uri ng sugal, ito man ay legal o ilegal, ay pananagutan lamang ng natalong indibidwal at hindi maaaring kunin o bawiin mula sa ari-arian ng mag-asawa o community property. Ngunit, ano mang mapapanalunan mula sa sugal ay magiging bahagi ng ari-arian ng mag-asawa.
Ito ay proteksyong inilagay ng mga sumulat ng ating Family Code upang pangalagaan ang pamilya. Kinikilala ng batas ang posibilidad na may mga indibidwal na maaaring malulong sa sugal at ito ay maaaring magkaroon ng matinding epekto sa ari-arian na para sa benepisyo ng pamilya.
Kaya naman, anumang pagkatalo o utang na dulot ng pagsusugal ng iyong asawa ay responsibilidad lamang niya at hindi ito maaaring kunin mula sa inyong mga ari-arian bilang mag-asawa. Ngunit, ang anumang panalo niya mula sa pagsusugal ay magiging bahagi ng inyong ari-arian bilang mag-asawa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.