top of page
Search
  • BULGAR
  • Jul 15, 2023

ni Madel Moratillo @News | July 15, 2023




Humingi ng paumanhin si Public Attorneys’ Office Chief Persida Rueda-Acosta kaugnay sa kanilang mga naging pagkontra sa probisyon ng bagong Code of Professional Responsibility and Accountability patungkol sa conflict of interest.


Narito ang liham ni Acosta sa Korte Suprema:

Mga minamahal naming mahistrado/justices of the Supreme Court, sa ngalan po ng aming mga abogado sa Public Attorney’s Office at ng inyong hamak na lingkod, ako po ay buong pagpapakumbaba at marespetong humihingi sa inyo ng taos sa pusong paumanhin kung kayo man po ay nasaktan sa mga pangyayari. Humihingi po kami ng inyong lubos na pang-unawa.


Ang amin pong mga sinabing mga argumento ay dala lamang po ng aming lubos na pagnanasa na pagsilbihan nang lubusan ang aming mga kliyente at ang mga mahihirap na nangangailangan, na siya ring aming tinuturo sa aming mga kasamang mga abogado.


Kaya kami po ay nangamba sa maaaring idulot nito sa aming mga kliyente at abogado.

Muli po, lubos po ang aming respeto at pagmamahal sa Korte Suprema na siyang aking naging unang kanlungan at tahanan sa pagseserbisyo sa publiko mula pa noong 1988 o humigit kumulang 35 taon na ang nakakaraan.


Taos sa pusong paumanhin po... makakaasa po kayo na ang mga Public Attorneys ay susunod sa "Section 22 in relation to Sections 13 at 18, Canon 3" ng Code of Professional Responsibility. Maraming salamat po at Mabuhay ang Supreme Court of the Republic of the Philippines.


Una na ring naglabas si Acosta ng kautusan sa kanilang mga abogado na sumunod sa kautusan ng Korte Suprema.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 29, 2020



Dear Chief Acosta,


Ako ay isa sa anim na stockholders ng korporasyon. Nabili ko na ang shares ng lahat ng aming stockholders at sa ngayon ay ako na ang nagmamay-ari ng kabuuang shares ng kompanya. Maaari ko ba itong i-convert bilang One Person Corporation (OPC) o kinakailangan ko muna isara ang naunang korporasyon at magtayo ng panibago? – Jose


Dear Jose,


Ang batas na nakasasaklaw tungkol sa inyong katanungan ay ang Republic Act No. 11232, o mas kilala bilang Revised Corporation Code of the Philippines. Nakasaad sa Seksiyon 132 ng nasabing batas:


SEC. 131. Conversion from an Ordinary Corporation to a One Person Corporation. – When a single stockholder acquires all the stocks of an ordinary stock corporation, the latter may apply for conversion into a One Person Corporation, subject to the submission of such documents as the Commission may require. If the application for conversion is approved, the Commission shall issue a certificate of filing of amended articles of incorporation reflecting the conversion. The One Person Corporation converted from an ordinary stock corporation shall succeed the latter and be legally responsible for all the latter’s outstanding liabilities as of the date of conversion.”

Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, sa pagkakataong makuha ng isang stockholder ang lahat ng stocks ng stock corporation, ang nasabing stockholder ay maaaring magsumite ng application sa Securities and Exchange Commission (SEC) upang maging One Person Corporation (OPC) ang naunang ordinary stock corporation. Kung ang application ay maaprubahan ng SEC, ito ay magbibigay ng certificate of filing of amended articles of incorporation na nagpapakita ng pagbabago sa estado ng korporasyon. Ang OPC na siyang na-convert mula sa stock corporation ang siyang hahalili at magiging responsable sa lahat ng naiwang pananagutan ng naunang korporasyon.


Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page