top of page
Search

ni Angela Fernando - Trainee @News | January 10, 2023




Nasawi ang isang 18-anyos na estudyanteng babae matapos salpukin ng SUV ang sinasakyan niyang tricycle.


Kinilala ang biktimang si Angelica Fernando.


Ayon sa imbestigasyon, nakatulog ang 68-anyos na driver ng SUV na naging sanhi ng biglaang paglihis ng takbo ng sasakyan nitong bumangga sa nasabing tricycle.


Nakita sa CCTV footage ang pagsalpok nito sa kasalubong nitong isang kotse at dalawang tricycle sa Brgy. Mabini Homesite sa Cabanatuan City.


Sugatan naman ang driver ng SUV at ang pito pang iba.


 
 

ni Gina Pleñago | June 15, 2023




Patay at napugutan ang isang motorcycle rider matapos maaksidente sa EDSA sa ilalim mismo ng MRT Shaw Station sa Mandaluyong City, kahapon ng madaling-araw.


Batay sa ulat, isang concerned citizen ang nag-report sa mga awtoridad, bandang alas-5 ng madaling-araw kaugnay ng lalaking nakahandusay sa daan.


Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority at Inter-Agency Council for Traffic.


Sa monitoring ng MMDA, bumabaybay sa EDSA Bus Carousel lane ang rider at isang SUV nang mangyari ang insidente habang may tanker naman sa tabi ng bus lane.


Kaugnay nito, nagbabala ang MMDA sa mga motorcycle rider at iba pang motorista na bawal pumasok sa EDSA Bus Carousel Lane.


Binigyang-diin ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, na ang EDSA Bus Carousel Lane ay eksklusibo para sa mga pampasaherong bus, ambulansya, at marked government vehicles na rumeresponde sa anumang emergency.


 
 

ni Mai Ancheta | June 1, 2023




Tatlo ang patay sa karambola ng mga sasakyan sa SCTEX o Subic-Clark-Tarlac Expressway na sakop ng Mabalacat, Pampanga nitong Miyerkules.


Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Mabalacat Police, isang pick-up truck mula sa Northbound ang sumampa at lumipat sa Southbound lane dahilan para araruhin ang mga kasalubong na mga sasakyan.


Unang sinagasa ng pick-up truck ang sasakyan ni Gerry Valerio at sumunod ang kotse ng mga namatay na biktima at nahagip din ang isang pampasaherong bus.


"Pagpreno niya po, gumewang, na-out of control, tumilapon talagang lumipad siya," ani Valerio.


Ang mga nasawing biktima ay sakay ng kotse na halos nagmistulang pinitpit na lata dahil sa salpukan at naisugod pa sa Mabalacat District Hospital.


Apat ang sakay ng kotse at tatlo sa mga sakay ang nasawi dahil sa matinding tama sa aksidente.


Sinabi naman ng suspek na si Jeff Ace Paguia na malakas ang ulan noong maganap ang insidente at itinangging mabilis ang kanyang pagpapatakbo sa sasakyan.


Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page