top of page
Search

ni Mylene Alfonso | June 10, 2023




Inalmahan ang paninindigan ni Makati City Mayor Abby Binay na suwayin ang pinal na desisyon ng Korte Suprema at ituloy pa rin ang laban sa territorial dispute sa pagitan ng Taguig City.


Sa viral video ni Binay na kumalat sa social media, sinabi nito na tuloy pa rin ang laban.


“Ang posisyon namin is tuloy ang laban. Naawa ako sa mga anak ko — 'yung mga students, mga anak ko 'yan. Iba 'yung level of investment, I'm not talking about financial, alam ko kasi na hindi kayang ibigay 'yung kalidad na naibibigay ng isang kagaya ng lungsod ng mga Makati sa mga estudyante,” ani Binay sa panayam sa kanya ng mga mamahayag sa pagdalo nito sa CityNet Disaster Cluster seminar.


Kasunod ng pahayag ni Binay ay ang pagkalat naman sa social media ng propaganda na “Makatizens, hindi pa tapos ang laban. Kinausap na ni Mayora si Pres. BBM, ma’am Liza at si Chief Justice. Nangako silang tutulong para mabuksan ulit ang kaso. Tuloy ang laban!


Magugulat na lang ang Taguig. Abangan nila.”


Karamihan sa mga reaksyon sa buksan muli ang Makati-Taguig dispute ay panawagan na respetuhin na lang ang desisyon ng Korte Suprema.


Isa umano sa dahilan kung bakit may ilang tumatanggi na mailipat ang “embo barangay” sa Taguig ay dahil sa nakukuhang benepisyo sa Makati subalit ilang residente ng Taguig ang naglabas din ng saloobin sa social media at nagsabing mas maganda ang pamamalakad sa lilipatang siyudad.


Ang 30 taong territorial dispute sa pagitan ng Makati at Taguig ay tinapos na ang SC sa ipinalabas na resolusyon noong Abril, sa pagresolba ng kaso ay pinaniwalaan at binigyang bigat ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang mga ebidensya at argumento na naiharap ng Taguig.


Pinagtibay ng SC sa kanilang ipinalabas na desisyon ang injunction na ipinalabas noon pang 1994 ng Pasig City Regional Trial Court na pumipigil noon pa sa Makati City na angkinin ang Inner Fort Bonifacio na kinabibilangan ng mga barangay ng Pembo, Comembo,Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo at Pitogo.


 
 

ni Mylene Alfonso | June 9, 2023




Itinanggi ni Supreme Court Spokesman Atty. Brian Keith Hosaka na may ipinalabas na kautusan ang SC na nagtatakda ng oral argument para sa territorial dispute sa pagitan ng Taguig at Makati City.


Nagkaroon na umano ng final and executory decision kaugnay nito kung saan itinakda na ang pinag-aagawang Bonifacio Global City (BGC) at 9 pang barangay ay nasa legal na hurisdiksyon ng Taguig City.


Ayon kay Hosaka, wala siyang alam na ganitong ipinalabas na kautusan.


Kung mayroon man umanong ganitong kautusan ang SC, ipalalabas ito sa website at social media account ng kataas-taasang hukuman.


Ang paglilinaw ni Hosaka ay bilang reaksyon sa pahayag ni Makati City Mayor Abby Binay na nakatanggap ang Makati City Legal Office ng dokumento na nagtatakda ng oral argument para sa territorial dispute.


“As far as the document that we received, they actually even set it for hearing, that means its not yet final. Kasi sa Omnibus Motion namin wala pang aksyon so as far the city is concerned there is still pending motion,” pahayag ni Binay.


Nang tanungin si Binay kung kailan ang petsa ng hearing base sa natanggap nilang dokumento ay hindi pa niya alam.


“Hindi namin alam kasi di ba naka-break ang Supreme Court, hopefully by this month we will get some idea,” ani Binay.


Dugtong pa ng alkalde na oral argument ang itinakda ng SC alinsunod sa natanggap nilang dokumento.


Samantala, sa panig ng Taguig City, wala umano silang natatanggap na dokumento.


Taliwas umano ang pahayag ni Binay sa resolusyon na ipinalabas ng Korte Suprema noong Abril na nagsasabi na ibinasura na ang Omnibus Motion ng Makati City na humihiling na iakyat ang territorial dispute case sa SC en banc at magkaroon ng oral argument sa kaso. Una nang ipinaliwanag ni Hosaka na pinal na ang ipinalabas na desisyon ng SC hinggil sa Makati-Taguig territorial dispute at kasamang ibinasura ang mosyon na humihiling na magtakda ng oral arguments.


Idinadag pa nito na nagkaroon na rin ng Entry of Judgement sa kaso na nangangahulugan na ang desisyon ay final and executory.


Sa pagresolba sa territorial dispute ay mas pinaniwalaan at binigyang bigat ng mga mahistrado ang mga ebidensya at argumento na naiharap ng Taguig.


 
 

ni Thea Janica Teh | January 4, 2021




Libre na ang COVID-19 vaccine sa lahat ng residente ng Makati City, ito ang inanunsiyo ni Makati City Mayor Abby Binay ngayong Lunes. Aniya, “This is our number one priority for 2021. I want each and every Makatizen to receive both doses of the coronavirus vaccine for free to protect them and their families against the virus.”


Dagdag pa ni Binay, naglaan na sila ng P1 bilyong pondo para sa COVID-19 vaccination program. Nakikipag-ugnayan na rin umano ang ilang opisyal kay vaccine czar Carlito Galvez, Jr. sa pagkuha ng vaccine.


Sinabi rin ni Binay na hihingi rin ito sa mga konsehal ng lungsod ng supplemental budget upang maipasa at maging handa kapag inaprubahan na ang vaccine ng pandemic task force ng bansa.


Sa ngayon, mayroon pang 290 aktibong kaso ng COVID-19 sa Makati City habang 9,459 ang gumaling dito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page