top of page
Search

ni BRT @News | August 22, 2023




Hindi umano dapat magmatigas bagkus ay tanggapin na ni Makati Mayor Abby Binay ang “unintended consequences” sa territorial dispute sa pagitan ng Taguig lalo pa at ang Makati sa kanyang pamumuno mismo ang nag-akyat ng usapin sa Korte Suprema.


Ayon kay Atty. Darwin Canete, isang prosecutor at blogger, nang iakyat ng Makati City ang kaso sa SC at hingan ang mga mahistrado ng final determination sa isyu ay dapat batid nito na maaari silang matalo o manalo.


Sinabi pa ni Canete na ang paghahabol sa revenue-rich na Bonifacio Global City (BGC) ay pinursige ng Makati Ctiy mula pa noong panahon ni Makati City Mayor Jejomar Binay at Junjun Binay, kaya dapat naging handa na ang lokal na pamahalaan sa pagkakaroon ng pinal na desisyon sa kaso.


Nang hingan ng reaksyon sa naging takbo ng kaso ng territorial dispute sinabi ni Canete na kung siya ang tatanungin ay hindi na lamang sana hinabol ng Makati ang pagmamay-ari ng BGC, sa ganitong paraan ay hindi nawala sa kanila ang EMBO barangays na kilalang balwarte ng mga Binay.




 
 

ni Mylene Alfonso @News | August 21, 2023




Kinatigan ni dating Press Secretary Trixie Cruz Angeles ang posisyon ng Taguig City na hindi kailangan ng writ of execution para iimplementa ang takeover ng Taguig sa EMBO barangays sa basehang hindi ejectment case ang kaso at malinaw ang desisyon ng Korte Suprema na turnover ang dapat na gawin ni Makati City Mayor Abby Binay.


Sa kanyang vlog post na Luminous, hinimay ni Angeles ang usapin ng turf war sa pagitan ng dalawang lungsod.


Ani Angeles, na isang abogado, kung titingnan ang 53 pahinang desisyon ng SC sa nasabing kaso ay walang basehan ang argumento ni Binay na magkaroon muna ng transition period, aniya, “stop exercising jurisdiction” ang malinaw na utos ng hukuman kaya turnover ng hurisdiksyon ang dapat na gawin ng alkalde.


Tinuring din ni Angeles na walang legal basis ang nakuhang opinyon ng Makati City mula sa Office of Court Administrator (OCA) na nagsasabing kailangan muna ng writ of execution.


Ipinaliwanag ni Angeles na “stop exercising jurisdiction” agad ang desisyon ng Supreme Court sa territorial dispute dahil sa umpisa pa lamang ng kaso ay mayroon nang ipinalabas na Temporary Restraining Order (TRO) ang Pasig City Regional Trial Court.


Sa July 8, 2011 decision ni RTC Pasig City Branch 153 President Judge Briccio Ygaña, pinaboran nito ang Taguig sa inihaing Civil Case No. 63896 na Judicial Confirmation of the Territory and Boundary Limits of Taguig, iniutos ng Regional Trial Court na ang Fort Bonifacio Military Reservation kabilang ang Parcels 3 at 4, Psu-2031 ay kumpirmadong bahagi ng territory ng Taguig.


Ayon kay Angeles noong 1994 pa ay dapat hindi na nag-exercise ng jurisdiction ang Makati sa EMBO barangays dahil mayroon nang TRO sa umpisa pa lamang ng litigation ng kaso, kaya sa naging desisyon ng SC noong 2022 ay ang kautusan nito ay turnover ng jurisdiction matapos manalo na ang Taguig.


Sinabi rin nito na mas mainam na iturnover na ni Mayor Binay ang EMBO Barangays habang magkaroon ng arrangement kay Mayor Lani Cayetano para sa mga ari arian.



 
 

ni Mylene Alfonso | June 11, 2023




Nagpahayag ng pagkaalarma ang lokal na pamahalaan ng Taguig kaugnay sa ipinalalabas na pagbubukas muli ng Taguig-Makati territorial dispute bagama't pinal na itong nadesisyunan ng Korte Suprema.


Sa isang pahayag na ipinalabas ng Taguig City, sinabi nito na tinuring lamang nila na “fake news” ang mga unang kumakalat na social media posts na nagsasabing nakausap ni Makati City Mayor Abby Binay sina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., First Lady Liza at Chief Justice Alexander Gesmundo para muling buksan ang kaso ng territorial dispute.


Gayunman nang sundan umano ito ng panayam kay Binay noong Hunyo 7, 2023 at sinabi nitong mayroong natanggap na dokumento mula sa Korte Suprema ang Makati City na nagtatakda ng oral argument ay ito na ang nakakaalarma dahil wala umano itong katotohanan, sa katunayan walang natatanggap na kautusan ang Taguig hinggil dito.


Pinunto pa ng Taguig na mismong si SC Spokesman Atty. Brian Keith Hosaka ang naglinaw na walang itinatakdang oral arguments hinggil sa territorial dispute dahil nagkaroon na ng Entry of Judgement sa kaso.


“Mayor Binay’s statement during her interview is unfortunate. Not only is it factually inaccurate, but it likewise tends to tarnish the integrity and independence of the judiciary. We ask the Honorable Supreme Court to take notice of these claims from Makati and consider appropriate action,” giit pa ng Taguig.

Giit pa na mahaba ang tinakbo ng kaso at anumang naging desisyon sa kaso ay dapat na igalang.


Ang final and executory decision sa Makati-Taguig dispute ay ipinalabas ng SC noong Setyembre 28, 2022 matapos nitong ibasura ang Motion for Reconsideration ng Makati City, sa nasabing desisyon, sinabi ng SC na wala nang anumang pleadings, motions, letters o anumang komunikasyon ang tatanggapin na may kaugnayan sa usapin.


Maging ang apela ng Makati na iakyat sa SC en banc ang kaso ay ibinasura rin sa kawalan ng merito at ang tangka nitong paghahain ng ikalawang Motion for Reconsideration ay hindi pinapayagan sa rules of procedure.


Nilinaw ng Taguig na may kumpiyansa ito sa national leadership subalit ang ikinababahala nila ay ang negatibong epekto sa isip ng mga residente sa mga pahayag ng Makati City ukol sa isyu.


Bumuwelta rin ang Taguig sa pahayag ni Binay na hindi kayang ibigay ng lokal na pamahalaan ang mga naibibigay ng lungsod gaya ng Makati sa mga residente nito.


“We assure Mayor Binay and the residents of the concerned barangays that Taguig has its own programs and projects which deliver efficient and timely public services aimed at attaining our vision for a transformative, lively, and caring community."


 
 
RECOMMENDED
bottom of page