ni Lolet Abania | June 10, 2021
Nasagip ang 86 refugees ng all-Filipino crew, kung saan nahimpil nang mga ilang araw ang barko ng mga ito sa Mediterranean Sea.
Ayon sa crew member na si Mykel Angelo Genilo, ang kanilang container vessel MV Fleur N ay nakatanggap ng impormasyon mula sa Augusta Italian Coastal Navy na madaraanan nila ang isang barko na nangangailangan na agad na ma-rescue habang patungo sila sa Livorno, Italy.
Sinabi ni Genilo na karamihan sa mga refugees ay mula sa Egypt at papunta ang mga ito sa Italy para maghanap ng trabaho.
Nagkaroon ng engine failure ang naturang ship, kaya ang mga refugees ay na-stuck sa barko habang inaanod lamang ito sa Mediterranean Sea nang ilang araw.
Ayon kay Genilo, dahil wala nang pagkain at tubig na maiinom, ang mga refugees ay namumutla at nanghihina na nang kanilang mailigtas.
“Gusto lang naming i-share ‘yung experience na ‘to, give awareness para sa lahat, given any situation, may chance na tumulong, go lang nang go, without any doubt, because helping one person might not change the whole world, but it could change the world for one person,” ani Genilo.
Ang mga refugees ay ligtas na dinala sa Augusta Port sa Italy at nai-turn-over na sa Italian Coast Guard nitong Martes.