ni Lolet Abania | May 2, 2021
Arestado ang tatlong drug personalities matapos na makumpiska sa mga ito ang nasa P4.6 milyong halaga ng hinihinalang marijuana ng mga tauhan ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Tarlac City ngayong Linggo nang madaling-araw.
Kinilala ni PNP Chief Gen. Debold Sinas ang tatlong inarestong suspek na sina Cornelio Chumil-ang, 33; Jomar Pallar, 24; at Marcelino Caraowa, 40, pawang mga residente ng Mountain Province. Ayon kay Sinas, bukod sa Tarlac ay nagdi-distribute rin ng ilegal na droga ang mga suspek sa Pangasinan at Mountain Province.
“Upon further investigation, the suspects were found out to be members of the same group arrested in Tarlac last February. The said group operates illegal drug activities sa area ng Tarlac, Pangasinan at Mountain Province,” ani Sinas.
Nakuha sa mga suspek ang nasa 24 na piraso na bricks ng marijuana, 26 rolled dried marijuana leaves na P4.6 million ang halaga at 2 bote ng hinihinalang cannabis oil na nagkakahalaga ng P30,000, P68,000 boodle money, cellphones na ginamit sa transaksiyon at isang van at mini-dump truck na ginagamit sa pagbabagsak ng marijuana.
Dinala na sa Camp Gen. Francisco S. Macabulos sa Tarlac City ang mga suspek habang mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.