ni Zel Fernandez | May 9, 2022
Alas-6:00 pa lang ng umaga, dagsa na ang mga botanteng nagsipila sa kani-kanilang mga presinto sa buong Pilipinas.
Kasunod ng panawagan ng pamahalaan sa mga mamamayan na huwag sayangin ang kanilang karapatang bumoto, hindi maikakaila ang aktibong paglahok ng mga botante sa iba't ibang panig ng bansa.
Bagaman ang ilang mga presinto ay hindi maikakailang nakabuo ng mahahabang pila, magandang senyales ito na aktibo ang mga rehistradong botante sa pakikiisa sa nagaganap na 2022 elections.
Sa matiyagang pagpila ng mga botante, nagsisimula nang maipon ang mga boto na bibilangin upang maihalal ang mga susunod na lider sa pambansa at lokal na pamahalaan.
Tinatayang aabot sa 65.7 milyong Pinoy ang inaasahang lalabas ngayong araw ng eleksiyon upang iboto ang kani-kanilang mga napupusuang kandidato.
Samantala, magiging kaabang-abang ang gaganaping bilangan at proklamasyon ng mga mananalong kandidato, kasabay ng pangako ng Comelec sa publiko na sisiguruhin nito ang malinis, tapat at mapayapang eleksiyon 2022.