top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 9, 2022



Kasagsagan ng eleksiyon nang magsimulang sumiklab ang sunog sa Iloilo City nitong umaga ng Mayo 9.


Pasado alas-5:00 ng umaga, naalarma sa sunog ang mga residente sa isang bahagi ng Brgy. Rizal La Paz, Iloilo City, hindi kalayuan sa La Paz Elementary School.


Sa nabanggit na paaralan nagsasagawa ng halalan kaya agad ding rumesponde ang mga miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang maapula ang apoy.


Kasalukuyan nang inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog at ang bilang ng mga apektadong residente.


 
 

ni Zel Fernandez | May 9, 2022



Sa kasagsagan ng eleksiyon ngayong araw sa buong bansa, magkahiwalay na insidente ng brownout ang kinumpirma ng Valenzuela PIO at Palawan Electric Cooperative.


Ayon sa ulat, nawalan umano ng kuryente sa T. De Leon Elementary School dahil sa transformer problem.


Kaugnay nito, sinubukan umanong gamitin ang mga VCM batteries kasabay ng brownout na nangyari sa General Tiburcio De Leon Elementary School.


Kagyat namang rumesponde ang mga tauhan ng MERALCO at ang City Engineers Office upang ayusin ang insidente ng power interruption na nakaantala sa ginaganap na halalan sa naturang presinto ng Valenzuela.


Samantala, nakaranas din umano ng pagkawala ng kuryente sa mga bayan ng Aborlan, Narra at Puerto Princesa, Palawan ngayong araw ng halalan, simula alas:7:30 ng umaga.


Apektado ng naturang brownout ang Brgy. Malinao hanggang Brgy. Dumangueña at ang Brgy. Jose Rizal sa Aborlan, sakop ng DMCI-Aborlan Recloser hanggang Brgy. Tagbarungis, Puerto Princesa City.


Kasalukuyan nang tinutukoy ng PALECO ang sanhi ng pagkawala ng kuryente sa mga nabanggit na lugar sa Palawan.


 
 

ni Lolet Abania | September 15, 2021



Nagpahayag na ng pagsuporta si Davao City Mayor Sara Duterte sa vice presidential bid ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte sa national at local elections sa 2022.


“Mayroong maayos na kasunduan si Pangulong Duterte sa aming kani-kanyang karera sa pulitika. Ibigay po natin sa kanya ang pinakamalakas na suporta na tumakbong vice president,” ani Mayor Sara sa isang video message ngayong Miyerkules.


“Ang sigaw ng suporta ng Davaoeños ang pagiging laging masunurin sa batas,” dagdag ng alkalde. Matatandaang sinabi ni Mayor Sara na hindi niya susuportahan ang tandem nina Senador Bong Go at kanyang ama sa 2022 elections kahit pa inianunsiyo niyang hindi siya tatakbo sa pagkapangulo.


Gayunman, pormal na tinanggap ni Pangulong Duterte ang desisyon ng ruling party PDP-Laban na tumakbo siya pagka-bise-presidente, habang si Go ay tinanggihan ang nominasyon ng partido na tumakbo sa pagkapangulo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page