top of page
Search

ni Lolet Abania | May 9, 2022



Nakapagtala ang Manila Electric Co. (Meralco), ang pinakamalaking power distributor ng bansa, ng tinatayang 20 outage incidents sa kanilang mga franchise area ngayong Halalan 2022, Mayo 9.


“We have so far recorded 20 outage incidents, most of which were isolated troubles,” ayon sa Meralco sa isang statement, at dagdag pang pahayag nito, “outages were immediately addressed and restored accordingly.”


Batay sa Meralco ang mga apektadong sites ay ang mga sumusunod:


• Metro Manila: Sta. Ana, Sta. Mesa, at Tondo sa Manila, Valenzuela City, Batasan sa Quezon City, at Talon sa Las Piñas City

• Cavite: Cavite City, Naic, at Amadeo

• Batangas: Batangas City

• Bulacan: Hagonoy, San Francisco, San Jose del Monte

• Rizal: Antipolo at Cainta


“As of 12 noon, power has been fully restored in all affected areas,” saad ng Meralco.


“[It would be on] full alert until the conclusion of the elections,” ani power distributor.


“Our crew, field personnel and customer care groups immediately respond to calls from election officers,” sabi pa ng kumpanya.


Samantala, ang National Electrification Administration (NEA) ay nakapag-record naman ng 201 power interruptions sa buong bansa mula alas-4:00 ng madaling-araw hanggang alas-11:00 ng umaga ngayong Mayo 9.


Batay sa kanilang power monitoring report para sa national at local elections hanggang alas-11:00 ng umaga, ayon sa NEA may kabuuang 201 interruptions ang nai-record nationwide, na may average duration ng 70 minuto.


May kabuuang 1,456 barangay — 437 sa Luzon, 251 sa Visayas, at 768 sa Mindanao - ang apektado ng power interruptions na naitala mula alas-4:00 ng madaling-araw hanggang alas-11:00 ng umaga.


Paalala naman ng Meralco sa mga volunteers na nakatalaga sa mga polling precincts at para maiwasan ang insidente ng overloading, “not to bring additional appliances like electric fans and electric kettles.”


“Nonetheless, our customers can rest assured that we have contingency measures in place so that we can immediately address any emergency and trouble,” sabi ng Meralco.


“We have more than 270 generator sets and more than 500 flood lights ready to be deployed,” dagdag ng kumpanya.


Sakop ng franchise area ng Meralco ang 36 lungsod at 75 munisipalidad, kabilang na ang Metro Manila, ang mga lalawigan ng Rizal, Cavite, Bulacan, at ilang portions ng mga probinsiya ng Pampanga, Batangas, Laguna, at Quezon.


 
 

ni Lolet Abania | May 9, 2022



Isang guro sa Negros Occidental na nakatalaga bilang support staff sa isang electoral board ang pinagbabaril at napatay sa Himamaylan City nitong Linggo nang gabi, bago ang araw ng eleksyon, ayon sa Police Regional Office 6 (PRO6) ng Philippine National Police (PNP).


Sinabi ni PRO public information officer chief Police Lieutenant Colonel Arnel Solis, bandang alas-8:30 ng gabi naganap ang shooting incident, kung saan ang biktimang si Mercy Miguel at kanyang asawa ay pauwi na ng kanilang bahay sa Barangay Caradio-an.


“Pinaputukan po ‘yung mag-asawa and itong babae si Ma’am Mercy Miguel, tinamaan po sa tiyan. Sa masamang palad, binawian po siya ng buhay,” saad ni Solis sa isang press conference ngayong Lunes.


Agad namang isinugod ang guro sa Governor Valeriano M. Gatulsao Memorial Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival.


Ang asawa naman ni Miguel na si Aldrin ay ligtas na.


Kaugnay nito, inatasan na ni PRO6 director Police Brigadier General Flynn Dongbo ang Negros Occidental Police Provincial Office na magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa naganap na barilan.


“I already gave instruction to the Provincial Director of Negros Occidental Police Provincial Office, Police Colonel Leo B. Pamittan to conduct a thorough investigation on this incident to determine the motive and to identify the suspect/s,” sabi ni Dongbo sa isang statement.


“And once the perpetrators are identified, immediately appropriate charges must be filed against them,” dagdag ni Dongbo.


Nakarekober ang pulisya ng apat na basyo ng 9 mm caliber mula sa lugar na pinangyarihan ng insidente.


 
 

ni Lolet Abania | May 9, 2022



Si Senator Panfilo Lacson ang kauna-unahang presidential candidate na bumoto para sa Halalan 2022 ngayong Lunes nang umaga. Ginawa ni Lacson ang pagboto sa Bayan Luma 1 Elementary School sa Imus, Cavite.


Sa ulat ng GMA News, ang senador ay nasa polling center na bago pa mag-7:00 ng umaga, habang natapos na bumoto si Lacson, pasado alas-7:00 ng umaga.


Ayon sa Commission on Elections (Comelec), ang voting hours ay mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi.


Maaga ring sinimulan ng dating senador at presidential candidate na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagboto para sa eleksyon ngayong Lunes.


Pasado alas-7:00 ng umaga bumoto si Marcos sa Mariano Marcos Memorial Elementary School sa Batac, Ilocos Norte. Kasama niya ang kapatid na si Irene at anak na si Sandro.

Ilang mga supporters ni Marcos ay maririnig ang pag-chant ng “BBM!” nang lumabas ito sa klasrum matapos na makaboto.


Ang asawa naman ni Marcos na si Liza, at si Sandro ay bumoto sa Calayab Elementary School sa Laoag City. Habang si dating First Lady Imelda Marcos ay bumoto sa Batac.

Matapos na makaboto, ang mag-amang Bongbong at Sandro ay nagtungo sa Batac Church para manalangin.


Si Marcos, na standard bearer ng Partido Federal ng Pilipinas, ang siyang nanguna sa iba’t ibang pre-election presidential surveys.


Ginawa ni Vice President at presidential bet Leni Robredo ang kanyang pagboto sa Magarao, Camarines Sur.


Pumila ng halos dalawang oras si Robredo bago siya nakaboto sa Carangcang Elementary School sa Magarao, Camarines Sur, kung saan home province niya.


Sa kanyang miting de avance, tiniyak ni Robredo sa publiko na aayusin niya ang sirang sistema ng gobyerno habang tututukan ng kanyang administrasyon at pagtatrabahuhan ang mga nararapat na solusyon upang mapagaan ang nararanasang hirap ng mga nangangailangan.


Sinabi rin ni Robredo, na walang dapat na ikatakot sa araw ng eleksyon dahil aniya, walang makakukuha sa tinatawag na power of the people na maghalal ng lider na sa tingin nila ay nararapat.


Tatlong buwan matapos ang campaign period sa buong bansa, bumoto para sa eleksyon si Manila Mayor at presidential candidate Francisco “Isko” Moreno sa Manila. Isinagawa ni Moreno ang pagboto sa Magat Salamat Elementary School sa Tondo, kung saan masaya siyang binati habang nagtse-cheers ang mga residente ng Maynila.


Bumoto si presidential candidate at Senator Manny Pacquiao bago magtanghali ngayong 2022 national at local elections.


Sa Kiamba Central School SPED Center sa Kiamba, Sarangani, ginawa ni Pacquiao ang kanyang pagboto.


Si Pacquiao ay tumatakbo sa ilalim ng Probinsya Muna Development Initiative o PROMDI, subalit pinili rin siya bilang presidential bet ng Pimentel faction ng PDP-Laban.


Nakaboto na rin si vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte sa Davao City ngayong 2022 elections.


Si Duterte ay nasa ilalim ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), at bumoto sa Daniel R. Aguinaldo National Highschool, Davao City, pasado alas-9:00 ng umaga. Kasama niya sa polling precinct ang asawang si Atty. Manases Carpio.


Si Mayor Sara ang running mate ni presidential aspirant Bongbong Marcos.


Isinagawa ni vice presidential candidate at Senate President Vicente Sotto III ang pagboto sa Barangay White Plains, Quezon City ngayong eleksyon.


Kasama ni Sotto ang kanyang asawa at aktres na si Helen Gamboa, na dumating pasado alas-10:00 ng umaga sa White Plains Covered Court.


Si Sotto ay tumatakbo sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition, habang running mate niya si Senator Panfilo Lacson.


Si Senator Francis “Kiko” Pangilinan, na tumatakbong bise presidente para sa 2022 elections, ay bumoto sa Silang, Cavite ngayong Lunes.


Si Pangilinan, kasama ang asawa at aktres na si Sharon Cuneta, ay nakaboto matapos ang tatlong oras na pagpila sa Inchican Elementary School.


Si Pangilinan ang running-mate ni VP Leni Robredo.


Ang running mate ni Manila Mayor Isko Moreno na si Dr. Willie Ong ay nakaboto na rin para sa Halalan 2022.


Si Ong na vice-presidential bet ng Aksyon Demokratiko ay bumoto sa Dasmariñas Village Clubhouse sa Makati City.


Ginawa ngayong Lunes nang tanghali ni vice presidential candidate at House Deputy Speaker Lito Atienza ang pagboto sa Rafael Palma Elementary School sa Manila.


Pinayagang makaboto si Atienza na nasa wheelchair sa labas ng polling precinct habang siya ay nagrerekober mula sa isang knee surgery, kung saan isang larawan ang ipinakita ng kanyang staff.


Si Atienza ang running-mate ni presidential bet Senator Manny Pacquiao.


Kapwa tumatakbo sila sa ilalim ng Probinsya Muna Development Initiative o PROMDI.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page