top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 10, 2022



Nasawata ang tangkang panggugulo umano ng New People’s Army (NPA) ng mga tropa ng 49th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army sa ginanap na eleksiyon sa Albay, kahapon.


Bandang alas:5:00 ng umaga kahapon, isinumbong umano ng mga residente sa Sitio Lilibdon, Brgy. Maogog, Jovellar, Albay ang limang armadong teroristang komunista.


Kasunod nito, agad na nakaengkuwentro ng mga tropa ng Philippine Army ang mga tinukoy na NPA.

Pahayag ni Major General Alex Luna, Commander ng 9th Infantry (SPEAR) Division at ng Joint Task Force Bicolandia (JTFB), sa tulong ng mahigpit na seguridad na ipinatupad ng pamahalaan ngayong 2022 National and Local Elections ay naging matagumpay ang operasyon ng kasundaluhan kontra NPA.


Narekober umano sa encounter site ang isang M16 rifle, isang Cal. 45, mga gamit pangkomunikasyon at mga personal na gamit ng mga kaaway, makalipas umano ang walong minutong palitan ng putok sa pagitan ng mga rumespondeng sundalo at ng mga NPA.


 
 

ni Zel Fernandez | May 9, 2022



Kasunod ng pagpapatupad ng gun ban kaugnay ng 2022 national at local elections, naitala ng Philippine National Police (PNP) ang patuloy pang pagtaas ng bilang ng mga lumalabag sa inilabas na kautusan ng Commission on Elections (Comelec).


Batay sa pinakahuling datos ng PNP, pumalo na umano sa 3,128 ang kabuuang bilang ng mga gun ban violators mula sa 2,975 sa ikinasang operasyon mula Enero 9 hanggang alas-12 ng tanghali ngayong araw ng Mayo 9.


Ayon sa ulat ng PNP, karamihan sa mga nahuli ay pawang mga sibilyan na nasa 3,008; mga security guards na nasa 53; mga tauhan ng PNP na nasa 22; Armed Forces of the Philippines (AFP) personnel na nasa 19; at iba pang mga nahuli na umabot sa 26.


Tinataya namang aabot sa 2,416 na mga armas ang nakumpiska ng PNP sa kanilang mga operasyon kung saan ang mga deadly weapon ay nasa 1,143, kabilang na ang 123 mga pampasabog, kasama ang 14,094 na balang nasabat sa mga isinagawang operasyon.


Samantala, nananatiling may pinakamaraming naitalang gun ban violators sa National Capital Region (NCR) na may 1,142; sinundan ng CALABARZON na may 340; Central Visayas na nasa 332; ang Central Luzon na mayroong 280; at Western Visayas na umabot sa 187.


Gayunman, hindi pa umano kabilang dito ang mga armas na ginamit sa mga pag-atake sa Lanao del Sur at Maguindanao, na kapwa may naitalang mga sugatan at nasawi sa mga insidente.


 
 

ni Lolet Abania | May 9, 2022



Tinuldukan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang balota para sa 2022 national at local elections ngayong Lunes nang hapon.


Dumating si Pangulong Duterte sa Daniel R. Aguinaldo National High School sa Davao City bandang alas- 4:00 ng hapon, kasama ang kanyang longtime aide na si Senator Christopher “Bong” Go.


Huling eleksyon ito na bumoto ni Pangulong Duterte bilang pinakamataas na lider ng bansa, kung saan magtatapos ang kanyang anim na taong termino sa Hunyo 30.


Tumanggi naman ang Pangulo na mag-endorso ng potensiyal na susunod na presidente ngayong eleksyon, subalit nagpahayag ng buong suporta sa vice presidential bid ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page