top of page
Search

ni Lolet Abania | May 10, 2022



Nagtipun-tipon ang grupo ng mga kabataan at mga manggagawa sa harapan ng Commission on Elections (Comelec) main office sa Intramuros, Manila, ngayong Martes nang umaga upang iprotesta ang resulta ng katatapos lamang na 2022 elections.


Sa ulat ng GMA News, kabilang sa mga grupo na lumahok sa rally ay Kabataan, Karapatan, Bayan, Kilusang Mayo Uno, at Kontra Daya.


Batay sa report, nagpahayag ang grupo ng kanilang pagkontra sa nagbabadyang tagumpay sa pagka-pangulo ng bansa ni Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.


Base sa partial at unofficial count ng Comelec, si Marcos ang nangunguna at lumalamang na mayroong mahigit 30 million votes laban sa mahigpit na katunggali na si Vice President Leni Robredo sa ngayon.


Malalakas na pag-chant ng grupo sa pangalan nina Robredo at kanyang running-mate na si Senator Francis Pangilinan, na nalamangan din ng running mate ni Marcos na si Davao City Mayor Sara Duterte na base sa vice presidential race partial tally, ang maririnig sa Comelec main office.


Tumagal ang rally ng halos isang oras bago nagsimulang umalis sa lugar ang mga nagpoprotesta.


Nag-deploy naman ng mga pulis na naka-full batter gear sa lugar para panatilihin ang peace and order sa lugar.



 
 

ni Zel Fernandez | May 10, 2022



Kasunod ng pangunguna sa bilangan ng mga boto para sa pagka-bise presidente, nanawagan si frontrunner Mayor Sara Duterte sa publiko na tanggapin kung sinuman ang maihahalal na mga bagong lider ngayong 2022 National and Local Elections.


Ayon sa panayam sa alkalde, dapat aniyang magkaisa ang mga mamamayan ng bansa at suportahan ang sinumang mananalo sa eleksiyon hangga’t ang pagkapanalo ay nabilang nang tama at hindi nadaya ang boto ng taumbayan.


Gayundin, nakahanda na umano si Inday Sara na manungkulan at magtrabaho sa pamahalaan kahit na iba pa o hindi ang kaalyadong si BongBong Marcos ang manalo sa pagka-pangulo ngayong eleksiyon.


Dagdag pa rito, kahit hindi aniya siya mabigyan ng posisyon sa gabinete ay isusulong pa rin niya ang pagsasagawa ng peace-building activities partikular sa mga paaralan, kasabay ang paglilingkod nang tapat sa bayan bilang bagong bise presidente ng mga Pilipino.


 
 

ni Zel Fernandez | May 10, 2022



Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang opisyal at pormal na pag-upo sa pamahalaan ng idedeklarang bagong pangulo ng Republika ng Pilipinas sa darating na Hunyo 30, 2022.


Giit ni Pangulong Duterte, bahagi ng kahingiang Konstitusyonal na marapat nang makapanumpa ngayong taon ang susunod na halal na pinuno ng bansa, batay sa magiging resulta ng isinagawang presidential elections, sang-ayon sa pagluklok ng taumbayan.


Ani Digong, malugod umano niyang ipapasa ang liderato ng bansa sa sinumang magiging successor nito bilang pangulo, kaakibat ang paninindigang dapat masunod kung ano ang itinatakda ng batas sa bansa.


Samantala, kasalukuyan pa ring nangunguna sa mga ulat ng resulta ng eleksiyon ng pagka-pangulo si dating Senador Ferdinand “BongBong” Marcos, Jr. na umabot na sa mahigit 16 na milyon ang lamang sa pumangalawang si Bise-Presidente Leni Robredo.


Batay ito sa partial and unofficial total election results na ngayon ay nasa 97.20% na nitong alas-11:32 ng umaga, ayon sa Comelec Transparency Media server.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page