ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 4, 2021
Pinaikli ng pitong araw ang dating 14-day quarantine sa mga papasok sa Pilipinas na nakakumpleto na ng bakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, makokonsiderang fully vaccinated na ang isang indibidwal kung pupunta ito ng bansa dalawang linggo o higit pa matapos matanggap ang ikalawang dose ng two-dose series o 2 weeks o higit pa matapos mabakunahan ng single-dose COVID-19 vaccine.
Kailangan din umanong ipakita ng mga papasok sa bansa ang kanilang vaccination card sa Bureau of Quarantine (BOQ) at para sa re-verification sa Department of Transportation (DOTr) One-Stop Shop sa pagdating sa Pilipinas.
Saad pa ni Roque, "All inbound fully vaccinated individuals shall be required to undergo a seven-day facility-based quarantine upon arrival. The BOQ shall ensure strict symptom monitoring while in the quarantine facility for 7 days.”
Matapos umano ang 7-day facility-based quarantine, maglalabas ang BOQ ng Quarantine Certificate kung saan nakalagay ang vaccination status.
Ayon din kay Roque, magsasagawa lamang ng RT-PCR test sa mga inbound traveler sa Pilipinas na fully vaccinated na kung ito ay nakitaan ng sintomas ng COVID-19 sa loob ng 7-day quarantine.
Saad ni Roque, "RT-PCR test shall only be done when the individual manifests COVID-19 symptoms within the 7-day quarantine.”