ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 31, 2025

Dear Chief Acosta,
May kapitbahay kami dati na may alagang dalawang aso. Madalas silang umalis at itinatali nila ang kanilang aso sa labas ng bahay. Hindi man lang nila iniiwanan ng pagkain o tubig, kaya naman kaming mga magkakapitbahay na lang ang nag-aasikaso dahil halos hindi tumitigil ang tahol ng mga aso nila dahil sa gutom. Napagdesisyunan ng aming kapitbahay na sila ay lumipat na ng inuupahang bahay, ngunit hindi nila isinama ang dalawang aso at hinayaan lang na nakatali. Hindi rin nila ibinilin sa amin ang pag-aalaga sa mga ito at basta na lang nila iniwanan. May nalabag ba silang batas dahil sa pag-abandona nila sa kanilang mga alagang aso?
— Coco
Dear Coco,
Una sa lahat, may batas tayo na siyang nag-iingat sa kapakanan ng anumang uri ng hayop na matatagpuan sa Pilipinas. Ito ay ang Republic Act (R.A.) No. 8485, na inamyendahan ng Republic Act (R.A.) No. 10631. Ang layunin ng batas na ito ay protektahan ang pisikal, maging ang sikolohikal, na kapakanan ng mga hayop. Ipinagbabawal din ng batas na ito ang anumang uri ng pang-aabuso, pagmamaltrato, karahasan, at pananamantala sa mga hayop.
Kaugnay nito, layunin din ng batas na ito na ang bawat hayop ay maingatan sa pamamagitan ng pagkalinga at pag-aruga, pamumuhay sa kanilang pangkaraniwang tirahan, at malayang pagpakita ng kanilang natural na pag-uugali.
Dahil dito, malinaw na nakasaad sa Seksyon 7 ng inamyendahang Republic Act (R.A.) No. 8485 na ipinagbabawal ng batas ang pag-abandona sa isang hayop kung ito ay nasa pangangalaga ng tao:
“SEC. 7. It shall be unlawful for any person who has custody of an animal to abandon the animal.
If any person being the owner or having charge or control of any animal shall without reasonable cause or excuse abandon it, whether permanently or not, without providing for the care of that animal, such act shall constitute maltreatment under Section 9.
If the animal is left in circumstances likely to cause the animal any unnecessary suffering, or if this abandonment results in the death of the animal, the person liable shall suffer the maximum penalty.
Abandonment means the relinquishment of all right, title, claim, or possession of the animal with the intention of not reclaiming it or resuming its ownership or possession."
Maliwanag ang nakasaad sa batas na kung ang isang tao ay kumuha ng isang hayop para kanyang alagaan, kailangang kalingain niya ito at alagaan upang maingatan ang kapakanan nito. Kaya naman, ipinagbabawal ang pag-aabandona sa mga ito nang walang makatwirang dahilan.
Ang isang tao na nasumpungang nag-abandona sa alagang hayop, permanente man o pansamantala, ay maaaring maharap sa parusang nakasaad sa Seksyon 9 ng inamyendahang R.A. No. 8485:
“SEC. 9. Any person who subjects any animal to cruelty, maltreatment or neglect shall, upon conviction by final judgment, be punished by imprisonment and/ or fine, as indicated in the following graduated scale:
(1) Imprisonment of one (1) year and six (6) months and one (1) day to two (2) years and/or a fine not exceeding One hundred thousand pesos (P100,000.00) if the animal subjected to cruelty, maltreatment or neglect dies;
(2) Imprisonment of one (1) year and one (1) day to one (1) year and six (6) months and/or a fine not exceeding Fifty thousand pesos (P50,000.00) if the animal subjected to cruelty, maltreatment or neglect survives but is severely injured with loss of its natural faculty to survive on its own and needing human intervention to sustain its life; and
(3) Imprisonment of six (6) months to one (1) year and/or a fine not exceeding Thirty thousand pesos (P30,000.00) for subjecting any animal to cruelty, maltreatment or neglect but without causing its death or incapacitating it to survive on its own.”
Kaya naman, kung mapatunayan na talagang inabandona ng iyong kapitbahay ang kanilang mga alagang aso, at hinayaan lang na nakatali nang walang pagkain at inumin, ay maaaring nalabag nila ang ipinaliwanag na batas. Kaugnay nito, kung mapatunayan na dahil sa kanilang pag-abandona sa kanilang mga alagang aso ay namatay, napinsala, o nawalan ng kakayanan ang mga ito na mabuhay sa kanilang sarili, ay maaari rin silang makulong o mapagmulta.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.