top of page
Search

ni Nitz Miralles @Bida | Mar. 29, 2025




Natawa si Sanya Lopez sa ipinarating namin sa kanya na pinagseselosan siya ng ibang BarDa fans nina Barbie Forteza at David Licauco dahil siya ang kasama ng huli sa pelikulang Samahan ng mga Makasalanan (SNMM)


Naakusahan pa siyang crush si David at halata raw ito sa mga kilos niya noong ginagawa pa nila ang Pulang Araw (PA).


Pati nga ang pagdya-jogging nila habang nasa Vigan para sa shooting ng nasabing pelikula, ginawan ng isyu. Sigurado raw na si Sanya ang nagyaya kay David na sila ay mag-jogging.


“Hindi! Magkaibigan kami ni David, Encantadia days at Mulawin days pa. Magkaibigan na kami, before pa. 


“S’ya nga ang kupido ko, matchmaker s’ya. Sinasabi n’ya kung sino ang bagay sa ‘kin. Professional lang, pagdating sa trabaho, ‘di natin puwedeng personalin,” paliwanag ni Sanya.


Hindi diretso ang sagot ni Sanya sa tanong kung magkapareha ba sila ni David sa SNMM. Mas mabuti raw kung panonoorin na lang ang movie ni Director Benedict Mique para masagot ang tanong.


Pero, may nabasa kaming disclaimer na hindi love story ang SNMM. Ibig sabihin, hindi love interest ng mga karakter nina Sanya at David ang isa’t isa. 


Para rin sa mga nagseselos na BarDa fans ang disclaimer para hindi sila magselos at mag-overthink, magkasama lang sina Sanya at David sa pelikula.


 

Never ginawa kay Kim kahit BFF din… DARREN, TODO-TANGGOL KAY AC, NA-BASH NA RIN


NAGREREKLAMO ang mga fans ni Darren Espanto dahil pati ito ay naba-bash sa pagtatanggol sa friend niyang si AC Bonifacio na naba-bash naman sa Bahay ni Kuya. 


Maraming bashing kay AC na isa sa mga housemates sa Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition at dahil hindi nito maipagtanggol ang sarili lalo’t nasa loob pa ng Bahay ni


Kuya, si Darren na ang nagsalita para sa kaibigan.


Ayon kay Darren, kilala niya si AC dahil 8 years na silang friends. Alam daw niya ang backstory sa ginagawa nito sa loob ng Bahay ni Kuya at nababasa ni Darren ang pamba-bash sa kaibigan at pati silang mga kaibigan ni AC, naaapektuhan.


Tsine-check daw nilang magkakaibigan ang mom ni AC at may group calls silang ginagawa para pag-usapan ang nangyayari sa Bahay ni Kuya. Nakiusap si Darren na huwag mabilis manghusga, lalo na kung sa TV lang ang basehan.


“I hope people get to understand AC more at saka they give her a chance kasi feeling ko, malakas din ang laban ng best friend ko. Before going in, all of us knew what she was going

to be going into. All of us are rooting for her. 


“Sana, mabigyan din s’ya ng chance to be able to showcase her talents inside the house, her personality, and how good of a person she is,” sey ni Darren.


Kaya lang, ayaw magpapigil ng mga gigil kay AC at pati si Darren ay na-bash na. May nag-comment pa nga na bakit noong si Kim Chiu ang na-bash, hindi ipinagtanggol ni Darren? Friends din daw sila at magkasama sa It’s Showtime (IS)?


 

KAA-ANNOUNCE lang ng bagong afternoon series ni Gabby Concepcion sa GMA na My Father’s Wife, may isyu na agad ang mga netizens sa leading lady ni Gabby. Bakit daw hindi si Kylie Padilla ang kapareha ng aktor at bakit mag-ama ang kanilang role?


Mas bata raw si Sanya Lopez kay Kylie, pero bakit si Sanya, twice nang naging leading lady ni Gabby (First Yaya at First Lady), tapos si Kylie, gaganap na anak ng aktor. Sana raw, hindi pumayag ang manager ni Gabby na si Popoy Caritativo dahil baka ma-associate ito sa mga father role.


Sana raw, itinuloy ng GMA ang pagtatambal kay Gabby sa younger leading lady. Bagay na tinutulan ng ibang fans ni Gabby at dito na nagkaroon ng pagtatalo. 

In fairness, maganda ang rason ng bawat kampo, pero mukhang younger pa rin ang makakapareha ni Gabby sa series.


Sila ni Snooky ang gaganap na parents ni Kylie, pero tila magkakahiwalay sila at magiging second wife ng karakter ni Gabby si Kazel Kinouchi. Tama ba ang inakalang ito ng mga fans?


Para wala nang away, abangan na lang natin kapag umere na ang series this year. Magte-taping ang ibang cast sa ibang bansa at pati ‘yun, abangan!

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 29, 2025



Fr. Robert Reyes


Pumasok na tayo sa ikatlong linggo ng Kuwaresma. Umiigting na ang alitan ng mabuti at masama, ng Diyos at demonyo sa mga pagbasa. 


Kitang-kita ang mapanirang epekto ng kasamaan sa tao. Sinisira nito ang tao mula sa loob hanggang sa labas, mula sa ulo hanggang sa talampakan, mula sa isip hanggang sa puso at sa kasuluk-sulukan ng kaluluwa. Hindi lang iba kumilos kundi iba na ring mag-isip, dumama, mangarap at magplano ang nakuha at lubos nang nasilo ng kasamaan. At nalalantad ito sa mga taong walang makitang mabuti sa anumang ginagawa ni Hesus. 


Sa Ebanghelyo noong nakaraang Huwebes, nagpagaling si Kristo ng isang pipi at mabilis na naghusga ang ilan, “Nagpapagaling siya sa kapangyarihan ni Beelzebul (Prinsipe ng mga demonyo)!” Ngunit mabilis na nabasa ni Kristo ang isip ng mga nanghuhusga sa kanya kaya’t nasabi nito, “Babagsak ang bawat kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat at mawawasak ang mga bahay roon.” Paano nga bang gagamitin ni Hesus ang kapangyarihan ng demonyo laban mismo sa demonyo?


Ganito nga ba ang ginagawa ng demonyo? Kumikilos siya laban sa kanyang sarili at laban sa kanyang kaharian? Malinaw na hindi. Hindi nagpapahina at nagpapatalo ang demonyo. Masipag itong nagpapalakas at nagpaparami ng kanyang mga kampon.

Kaya’t tuloy na sinabi ni Hesus, “Kung maghihimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian?” (Lucas 11:14-20)

Kung buo ang puwersa ng kadiliman, ng kasamaan, ni Satanas, higit na buo ang puwersa ng mabuti, ang puwersa ng Diyos.


Maraming nadadala ng puwersa ng kadiliman na sa halip na seryosohin ang demonyo at ang pinalalaganap nitong kasamaan, itinuturing pang biro o joke ito. Kaya noong Mayo 1, 2022 sa kampanya ng mga Cayetano sa Taguig, sinabi ng dating pangulo, “Pupunta at sa impiyerno, at isasama ko kayong lahat at aagawin ko ang trono ni Satanas.” 

Siyempre nagtawanan ang maraming nasa paligid niya. Biro lang, tiyak na ‘joke’ lang ang sinabi ng dating pangulo dahil mahilig naman talagang magbiro ito tulad ng mga sinabi niya tungkol sa Santo Papa at sa Diyos ng mga Katoliko.


Subalit tuluy-tuloy ang pagbibiro at pagbabalewala sa kasamaan, sa impiyerno at sa demonyo. Tuluyan na bang nababalewala ang kasamaan at ang bunga nito sa lipunan at mundo?


Naalala natin ang sinabi ng dalawang kilalang manunulat. Ayon kay Dante Aleghieri, “Ang pinakamainit na bahagi ng impiyerno ay nakalaan sa mga tao na walang ginawa sa

 

panahon ng matinding krisis ng moralidad.” Ito naman ang sinabi ni Hannah Arendt noong sinaksihan niya ang paglilitis kay Adolf Eichmann ang arkitekto ng “Holocaust” o ng paglipol sa mga Hudyo na utos ni Adolf Hitler:“Ang kasamaan sa modernong mundo ay hindi isinasagawa ng mga halimaw at mga makapangyarihang tao. Ginagawa ito ng mga mahilig at madaling sumali (joiners). Nagmumula ang kasamaan sa mga taong mapaghanap at mapaghangad ngunit walang sinusunod na anumang mataas na pamantayang moral. Buong-buong ibinibigay ng mga ito ang sarili sa kung anu-anong kilusan.”


Mapanganib ang dalawang uri ng tao, ang walang pakialam at ang mga walang prinsipyo at paninindigan. Idagdag na rin natin ang problema ng mga mahina at walang konsensya kaya’t hindi na nila nakikita, nararamdaman at nakikilatis ang kasamaan kapag ito ay mismong nagaganap sa harapan nila.


Isang malinaw na epekto ng kasamaan ay ang dibisyon, pagkakahati-hati ng mga grupo, pamilya, pamayanan at lipunan. 


Tingnan natin ang naturingang UniTeam. Nasaan na ito? Tingnan din natin ang magkapatid na Marcos. Nasaan na ang dalawa? Tingnan natin ang ating lipunan ngayon. Biro o joke ba ang pagkakahati-hati, siraan, silipan at walang sawang intrigahan ng mga grupo, sekta, pamayanan, sektor na bumubuo sa ating lipunan?

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Mar. 29, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Dumating na si US Defense Secretary Pete Hegseth upang makipagmiting kay Defense Secretary Gibo Teodoro.

Walang duda, “giyera” ang pag-uusapan.


----$$$--


MAUGONG ang ulat na magdadala pa uli ng isa pang Typhon missile system ang US sa teritoryo ng Pilipinas.

Tiyak na papalag ang China.


----$$$--


AKTUWAL na soberanya ng bansa ang agenda.

Soberanya ng ‘Pinas na sinasakop ng China o soberanya ng ‘Pinas na sinasawsawan ng US.

Mas mainam sana kung soberanya ng ‘Pinas na malaya sa panghihimasok ng China at US.


----$$$--


Sa praktikalidad, ang mahihinang bansa gaya ng Pilipinas ay mahihirapang ipreserba ang soberanya nang hindi madidiktahan o pakikialaman ng malalaking bansa.


Isang halimbawa dito ang Ukraine, puwede bang sabihin ng Ukraine sa US na lumayas kayo at huwag ninyo kaming pakialamanan.

Hindi puwede.


----$$$--


SA totoo lang, ang isyu ngayon ay ang rare mineral deposit ng Ukraine na hindi malayong maisanla sa US — kapalit ng suporta kontra Russia.

Sa aktuwal, ang bundok-bundok na natural resources ng Pilipinas ay matagal nang ‘nasamsam’ ng mga dayuhan.


----$$$--


MASELANG isyu ang soberanya at dahil ang nag-uusap ay dalawang defense chief ng bansa --walang duda, iyan ang agenda.

Kung makikinabang ang Pilipinas o ang US — o parehong mabibiyayaan ang dalawang bansa?

Iyan ang dapat masagot.


----$$$--


KAPAG soberanya ang agenda at detalye ng usapan ay karaniwang “state secret”.

Nakataya dito ang seguridad ng bansa.


Mag-aantay lang tayo kung ano ang ipahayag ng Malacañang at ng Pentagon sa agenda ng mga kumperensiya.


----$$$--


SIYEMPRE, umaasa tayo na mas makikinabang ang Pilipinas sa alinmang usapan sa mga dayuhan.

Iyan ang ipagdasal natin nang walang patid.


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page