top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Nov. 21, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Nabalitaan ko na ang mga electric vehicle (EV) ay may exemption mula sa pagsunod sa number coding na ipinapatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga lansangan. Ano ang legal na basehan ng exemption na ito? — Jared


 

Dear Jared, 


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Section 25 (a), Chapter IV ng Republic Act (R.A.)  No. 11697, o ang “Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA Law),” na naglalahad ng iba’t ibang insentibo para sa mga gumagamit ng electric vehicle, gaya ng:


“Section 25. Non-Fiscal Incentives. - The following non-fiscal incentives shall remain in force for eight (8) years from the effectivity of this Act:


(a) For EV users:


(1) Priority registration and renewal of registration, and issuance of a special type of vehicle plate by LTO;


(2) Exemption from the mandatory unified vehicular volume reduction program, number-coding scheme, or other similar schemes implemented by the Metropolitan Manila Development Authority, other similar agencies, and LGUs;


(3) Expeditious processing by the LTFRB of applications for franchise to operate, including its renewal, for PUV operators that are exclusively utilizing EVs; and


(4) Availment of TESDA Training Programs on EV assembly, use, maintenance, and repair for its employees;” 


Sang-ayon sa nabanggit na batas, isa sa mga insentibong ibinahagi sa mga nagmamay-ari ng electric vehicle ay ang exemption sa number coding scheme na kasalukuyang ipinatutupad ng MMDA. Kaya ang bawat may-ari ng electric vehicle ay maaaring makampante na malaya na silang makakapagmaneho kahit na anong araw.


Para sa kaalaman ng lahat, ang tinukoy ng Section 4(k) ng EVIDA Law ay isang electric vehicle bilang, “a vehicle with at least one (1) electric drive for vehicle propulsion. For purposes of this Act, it includes a BEV, hybrid-electric vehicle, light electric vehicle, and a plug-in hybrid-electric vehicle.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Nov. 21, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Halagang P500 milyon ang idadagdag na pondo para sa School Electrification Program ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng ating panukalang Senate Committee Report sa General Appropriations Bill (GAB) para sa Fiscal Year 2025 (House Bill No. 10800). Noon kasi ay P1.295 bilyon lang ang nakalaan para sa naturang programa.


Hindi rin naman lingid sa ating kaalaman na may mga paaralan na wala pa ring kuryente. Bahagi ng layunin ng programang ito na lagyan ng kuryente ang mga paaralang wala pang kuryente, pati na rin ang modernization sa electrical system ng mga paaralang may kuryente na. 


Kasabay ng ating pagsisikap na mabigyan ang ating mga paaralan ng dekalidad na pasilidad para sa pag-aaral, dapat ay tiyakin muna natin na lahat may kuryente bago tuluyang maisulong ang mas malawakang paggamit ng teknolohiya sa mga paaralan.


Habang may universal access na sa ibang mga bansa sa East Asia at Southeast Asia, problemado pa rin ang Pilipinas pagdating sa pagkonekta ng lahat ng mga paaralan sa kuryente. Gamit ang datos mula sa DepEd, iniulat ng isang research paper mula sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ngayong taon na 1,562 na mga paaralan ang wala pa ring kuryente noong 2020. Lumabas din sa naturang pag-aaral na noong 2020, nasa 39,335 mga paaralan ang nangailangan ng upgrading sa kanilang koneksyon sa kuryente.


Lumabas naman sa isang pag-aaral na nilimbag ng University of the Philippines Center for Integrative and Development Studies na kung ihahambing sa mga elementary schools na walang kuryente, mas mataas ng 12% average sa National Achievement Test ang mga paaralang may elektrisidad. Mas mataas naman ng 10% average ang performance ng mga high school na may kuryente kung ihahambing sa mga wala. 


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, nais nating pasalamatan ang Senate Committee on Finance sa kanilang pagtanggap sa panukalang dagdag na budget na ito sa 2025.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

ni Ryan Sison @Boses | Nov. 21, 2024



Boses by Ryan Sison

Bilang bahagi ng pinaigting na security protocols, bawal na ang mga cellphone sa mga bilangguan sa bansa. 


Ito ang ipinag-utos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr., ang pagpapatupad ng “no cellphone policy” sa lahat ng operating prisons at penal farms (OPPFs) sa buong bansa, dahil na rin aniya sa mga report na nananatiling source ng drug trade ay galing sa New Bilibid Prison (NBP).


Ayon kay Catapang, sakop ng naturang polisiya ang mga bisita, commissioned officer, non-commissioned officer, civilian personnel at iba pang indibidwal na pumapasok sa bisinidad ng mga opisina ng BuCor, NBP camps at lahat ng kulungan.


Binigyang-diin din ng opisyal na anumang mga cellphone o kaugnay na device na matuklasan ay kukumpiskahin nila para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.


Habang maaari namang mapatawan ng administrative at criminal sanctions ang sinumang personnel na sangkot sa hindi awtorisadong pagpasok o paggamit ng mga cellphone.


Sinabi ni Catapang na alam niyang maraming magrereklamo na mga personnel sa bagong polisiya pero kailangang gawin ito para talagang wala ng makagamit ng cellphone sa loob ng bilangguan. 


Inatasan na rin niya ang lahat ng superintendents hinggil sa pagpapaigting ng security screening at mahigpit na inspeksyon sa lahat ng entry at exit points para maiwasan ang pagpupuslit ng cellphones. 


Iniutos na rin niya ang pagbili ng mga two-way radios bilang alternatibong paraan ng komunikasyon para sa mga tauhan.


Aniya pa, magkakaroon naman ng random inspections sa mga prison dormitory at work areas ng BuCor personnel para sa naturang devices.


Mas makabubuti na ngang ipagbawal ang mga cellphone sa mga kulungan dahil madalas na pinagmumulan at humahantong ang mga ito sa masamang gawain.


Sa halip kasi na gamitin bilang komunikasyon sa pagitan ng mga preso at pamilya, mga opisyal, kawani at iba pa, ay nagiging tulay pa ang mga cellphone sa mga ilegal na transaksyon, halimbawa na rito ang matinding kalakalan ng droga.


Hindi rin naman siguro kalabisan para sa mga personnel at opisyal ng mga prison at penal farms na wala muna silang cellphone habang nasa loob ng mga bilangguan at nagtatrabaho, at nang sa gayon ay gawin din silang ehemplo mismo ng mga preso, bisita, at kanilang mga tauhan.


Marahil sa ganitong paraan, magiging mas maayos at kahit paano ay makakaiwas sila sa mga ilegal na aktibidad sa ating mga bilangguan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

RECOMMENDED
bottom of page