ni Ryan Sison @Boses | Nov. 21, 2024
Bilang bahagi ng pinaigting na security protocols, bawal na ang mga cellphone sa mga bilangguan sa bansa.
Ito ang ipinag-utos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr., ang pagpapatupad ng “no cellphone policy” sa lahat ng operating prisons at penal farms (OPPFs) sa buong bansa, dahil na rin aniya sa mga report na nananatiling source ng drug trade ay galing sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Catapang, sakop ng naturang polisiya ang mga bisita, commissioned officer, non-commissioned officer, civilian personnel at iba pang indibidwal na pumapasok sa bisinidad ng mga opisina ng BuCor, NBP camps at lahat ng kulungan.
Binigyang-diin din ng opisyal na anumang mga cellphone o kaugnay na device na matuklasan ay kukumpiskahin nila para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Habang maaari namang mapatawan ng administrative at criminal sanctions ang sinumang personnel na sangkot sa hindi awtorisadong pagpasok o paggamit ng mga cellphone.
Sinabi ni Catapang na alam niyang maraming magrereklamo na mga personnel sa bagong polisiya pero kailangang gawin ito para talagang wala ng makagamit ng cellphone sa loob ng bilangguan.
Inatasan na rin niya ang lahat ng superintendents hinggil sa pagpapaigting ng security screening at mahigpit na inspeksyon sa lahat ng entry at exit points para maiwasan ang pagpupuslit ng cellphones.
Iniutos na rin niya ang pagbili ng mga two-way radios bilang alternatibong paraan ng komunikasyon para sa mga tauhan.
Aniya pa, magkakaroon naman ng random inspections sa mga prison dormitory at work areas ng BuCor personnel para sa naturang devices.
Mas makabubuti na ngang ipagbawal ang mga cellphone sa mga kulungan dahil madalas na pinagmumulan at humahantong ang mga ito sa masamang gawain.
Sa halip kasi na gamitin bilang komunikasyon sa pagitan ng mga preso at pamilya, mga opisyal, kawani at iba pa, ay nagiging tulay pa ang mga cellphone sa mga ilegal na transaksyon, halimbawa na rito ang matinding kalakalan ng droga.
Hindi rin naman siguro kalabisan para sa mga personnel at opisyal ng mga prison at penal farms na wala muna silang cellphone habang nasa loob ng mga bilangguan at nagtatrabaho, at nang sa gayon ay gawin din silang ehemplo mismo ng mga preso, bisita, at kanilang mga tauhan.
Marahil sa ganitong paraan, magiging mas maayos at kahit paano ay makakaiwas sila sa mga ilegal na aktibidad sa ating mga bilangguan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com