top of page
Search

ni Eli San Miguel @Overseas News | Nov. 21, 2024



Photo: "Bomb cyclone" - Eastside Fire and Rescue / AP


Isang malakas na bagyo ang tumama sa estado ng Washington nitong Miyerkules, na nag-iwan ng daan-daang libong tao na walang kuryente, umabala sa pagbiyahe, at nagresulta sa hindi bababa sa dalawang pagkamatay.


Isang babae ang namatay noong Martes nang mabagsakan ng puno ang isang kampo ng mga walang bahay sa Lynnwood, hilaga ng Seattle.


Isa pang babae ang nasawi malapit sa Seattle nang mabagsakan ng puno ang kanyang bahay. Dalawang tao naman ang nasugatan nang mabagsakan ng puno ang kanilang trailer sa Maple Valley, timog-silangan ng Seattle.


Mayroon ang bagyo ng mga hangin na umaabot sa 50 mph (80 km/h) at mga bugso ng hangin na umabot ng 70 mph (110 kph).


Iniwan nito ang mahigit 600,000 na tahanan at negosyo na walang kuryente sa Washington, timog-kanlurang Oregon, at Hilagang California, ayon sa Poweroutage.us.


Tinatawag na "bomb cyclone" ang bagyo dahil sa mabilis nitong paglakas, at inaasahang mananatili sa Hilagang California sa mga susunod na araw.

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Nov. 21, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Hindi ko inaasahang sa paparating na Pasko ay makatanggap ako ng espesyal na regalo at ito ay mula sa iba’t ibang kapita-pitagang award giving bodies kaya napakalaking pasasalamat sa kanila dahil sa napansin nila ang ating pagsisikap bilang lingkod-bayan.


Ginawaran tayo ng mga parangal kabilang na rito ang prestihiyosong “Asia’s Distinguished Leader in Public Service” mula sa Asia’s Pinnacle Awards 2024 at ang “Gawad Pilipino Lingkod Bayan Award” mula sa Gawad Pilipino Awards.


Ang mga parangal na ito ay patunay ng ating patuloy na dedikasyon sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino at ng ating makabuluhang ambag sa pamamahala at paggawa ng batas.


Ang Asia’s Pinnacle Awards ay isang nangungunang kinatawan na nagbibigay-pugay sa kahusayan sa iba’t ibang larangan, kabilang ang pampublikong serbisyo, negosyo, at industriya ng aliwan. 


Nalaman na lang natin na naging bukod-tangi tayo sa mga nominado dahil sa umano’y makabago nating istilo ng pamumuno, malikhaing paggawa ng polisiya, at matatag na pagkalinga sa kapakanan ng ating mga nasasakupan.


Bukod pa riyan ay napabilang tayo sa Top 10 Outstanding Senators ng Gawad Pilipino Awards. Ang parangal na ito ay tumutukoy sa ating mga nagawa bilang isang mambabatas, kabilang ang pagiging pangunahing may-akda ng mga batas tulad ng


“Kabalikat sa Pagtuturo (KaP) Act” (RA 11997), “No Permit, No Exam Prohibition Act” (RA 11984), “Free College Entrance Examination Act” (RA 12006), Pagpapalawak ng Saklaw ng Centenarians Act (RA 11982), at “Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act” (RA 11909), bukod pa sa iba.


Kaya nagpapasalamat tayo sa mga parangal na iginawad sa atin bilang isang lingkod-bayan. Ang mga pagkilalang ito ay hindi lamang para sa akin kundi para sa bawat Pilipino na nangangarap ng mas magandang kinabukasan. Ang makapaglingkod sa bayan ay isang pribilehiyo kaya inaalay ko ang lahat ng ito para sa mga kababayan kong patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa akin para magsikap lalo sa trabaho natin.


Ang mga parangal na ating natanggap bilang senador ay lalong nagtulak sa atin upang mas pagbutihin pa ang ating adbokasiya para sa edukasyon, serbisyong pangkalusugan, katarungang panlipunan, at pagpuksa sa kahirapan. Bitbit natin ang ating slogan na “Aksyon sa Tunay na Buhay,” kaya patuloy tayo sa pagsusulong ng mga inisyatibo na tumutugon sa tunay at agarang pangangailangan ng sambayanang Pilipino.


Ang mga pagkilalang ito ay nakakataba ng puso dahil nabigyan tayo ng mga ganitong karangalan lalo na sa panahong hindi natin inaasahan at sa tingin ko ay ito na ang pinakamagandang regalo na matatanggap ko ngayong Kapaskuhan.


Minsan pa’y napatunayang ang paggawa ng mabuti ay hindi magbubunga ng masama kaya makaaasa kayo na mas lalo pa nating pag-iibayuhin ang ating pagsisikap na makapagbahagi ng mga kapaki-pakinabang na batas para sa kapakanan ng ating mga kababayan.


Sa isang banda ay mabuting may mga kinatawan ang mga nagbibigay ng pagkilalang tulad nito upang malaman naman ng taumbayan kung sinu-sino ang mga karapat-dapat at tunay na nagtatrabaho — at ang mga karangalang ito ay patunay na hindi tayo basta nagbutas lang ng upuan at nagpapogi sa Senado. Talagang nagsikap tayo at ngayon ay inaani natin ang bunga ng ating pinaghirapan para itaguyod ang kapakanan ng mamamayan.


Kaya maraming-maraming salamat talaga sa mga award-giving bodies na ito dahil hindi na tayo kailangang magpaliwanag pa na nagtatrabaho talaga tayo dahil sa binigyan tayo ng pagkilala at  patunay na hindi sayang ang ipinagkaloob sa ating boto ng ating mga kababayan.


Ngayon ay nasa panibagong pagsubok na naman tayo dulot ng magkasunod na Bagyong Ofel at Pepito at tiyak na mag-iikot na naman tayo para mamahagi ng tulong, at maraming lugar ang napuntahan na natin. Pero tandaan sana, na hindi natin ito ginagawa para sa award kundi para sa kapakanan ng ating mga kababayang nasalanta ng kalamidad.


Kaya siguro tayo nagawaran ng pagkilala dahil sa matagal na nating ginagawa ang pagdalo sa iba’t ibang lugar na biktima ng kalamidad. At may pagkilala man o wala ay patuloy pa rin nating dadamayan ang mga kababayan nating biktima ng kalamidad.


Nakakawala talaga ng pagod ang iginawad na pagkilala sa atin — kaya sa inyong lahat, maraming-maraming salamat uli!


Anak ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov. 21, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

SA RATING NI SPEAKER ROMUALDEZ, NAGBU-BOOMERANG ANG ATAKE NG QUADCOMM KAY VP SARA -- Ang laki ng lamang ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio kay Speaker Martin Romualdez sa rating na inilabas ng WR Numero Research Firm patungkol sa 2028 presidential election.


Ang rating ni VP Sara ay 24% at ang rating naman ni Speaker Romualdez ay 1% lang.

Tila hindi kay VP Sara tumatama ang mga imbestigasyon ng Quad Committee ng Kamara, kasi kung pagbabasehan ang 1% lang na rating ni Speaker Romualdez ay lumalabas na sa kanya nagbu-boomerang ang mga atake ng QuadComm members sa bise presidente, boom!


XXX


SANA MAG-AMBAGAN DIN ANG QUADCOMM MEMBERS SA PAGBIBIGAY NG TULONG SA MGA BINAGYO AT BINAHA -- Pinag-ambag-ambagan pala ng mga kongresistang miyembro ng QuadComm ang P1 million na pabuya sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng isang “Mary Grace Piattos” na kabilang daw sa nakatanggap ng reward mula sa confidential fund ni VP Sara.

Kung nagawa ng mga QuadComm member na mag-ambagan para sa pagkakakilanlan ng isang “Mary Grace Piattos,” sana naman mag-ambagan din sila sa pagbibigay ng tulong sa mga kababayang nabiktima ng bagyo at baha, period!


XXX


NEXT YEAR PA NAMAN GAGAMITIN ANG 2025 PAMBANSANG BADYET PERO MALACANANG ATAT NA ATAT NA SA P6.352T NATIONAL BUDGET -- Habang binubusisi ng mga senador ang mga tanggapan ng pamahalaan na magpaparte-parte sa pambansang badyet next year na P6.352 trillion, ay inatasan ng Malacanang ang Senado na madaliin ang pagsasabatas ng 2025 national budget.


Pambihira naman, eh next year pa naman gagastahin ang pambansang badyet na iyan, tapos napaghahalata ang Malacanang na atat na atat, gusto na agad “mapasakamay” ang P6.352 trillion national budget na iyan, tsk!


XXX


KAKAHIYA KASI SA MGA BANSA SA MUNDO, ‘PINAS PASOK SA TOP 5 PALAUTANG SA IBRD -- Sa data na inilabas ng World Bank, sa mga bansa sa mundo, pasok ang Pilipinas sa top 5 borrowers sa International Bank for Reconstruction and Development (IBRD).

Kakahiya, kasi mantakin n’yo, pasok ang Pinas sa top 5 na mga bansang palautang sa IBRD.


Hangga’t hindi natututo ang majority Pinoy voters sa tamang pagboto sa magiging lider ng bansa, ay baka dumating ang panahon na ang ‘Pinas na ang mag-top sa mundo na palautang na bansa, boom!


RECOMMENDED
bottom of page