ni Lolet Abania | January 22, 2022
Ipinahayag ni Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez ngayong Sabado na ang mga kandidato sa pagka-pangulo at bise presidente sa 2022 elections ay dapat mag-commit na sumali sa Comelec debates kung saan magsisimula na ito sa susunod na buwan.
Ginawa ni Jimenez ang statement matapos na tanggihan na lumahok ni presidential aspirant at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa “The Jessica Soho Presidential Interviews” ngayong Sabado.
“Presidential and Vice-Presidential candidates should commit, to the public whose votes they seek, that they will participate in the #PiliPinasDebates2022. #gauntlet,” ani Jimenez sa Twitter.
Una nang sinabi ni Jimenez na sa ilalim ng batas, hindi kinakailangan na ang mga kandidato ay lumahok sa public debates, at hindi maaaring obligahin ng poll body ang mga kandidato na sumali rito.
Gayunman, ang mga kandidato ay nakikilahok sa ganitong uri ng public forum dahil ani Jimenez sa tinatawag na “massive airtime”.
Ayon sa opisyal, pinaplano ng Comelec na magsagawa ng isang public debate kada buwan para sa presidential at vice presidential candidates simula sa Pebrero hanggang Abril.
Paliwanag ni Jimenez, sisimulan nila ang pirmahan ng memoranda of understanding (MOU) sa bawat kandidato para puwede silang magkasundo sa mga rules ng mga debates.
Ang campaign period sa mga kandidato para sa national posts ay magsisimula sa Pebrero 8, habang ang campaign period naman para sa local candidates ay sa Marso 25. Nakatakda ang 2022 national at local elections sa Mayo 9.