ni Eli San Miguel @Overseas News | July 22, 2024
Inanunsiyo ng YG Entertainment founder na si Yang Hyun-suk na magbabalik ang K-Pop girl group na 2NE1 sa music scene sa pamamagitan ng pagdaraos ng isang concert.
Agad na dinumog ng mga fans ang announcement post sa Facebook, na ngayo'y may higit sa 700,000 reactions matapos lamang ang labing-tatlong oras. Ipinost ng YG Entertainment ang isang larawan ng 2NE1 sa Facebook at isinulat na, “WELCOME BACK, 2NE1.”
Ipinost din ni Sandara Park ang parehong larawan sa Instagram na may caption na: “What’s up We’re 2NE1. WELCOME BACK, #BLACKJACKS #2NE1 #투애니원 #YG #WELCOME_BACK.” Hindi mapigilan ng mga fans ang kanilang excitement dahil isa itong napakagandang balita para sa grupong binubuo nina Sandara Park, CL, Park Bom, at Minzy, na pitong taon nang disbanded.
Noong Hunyo 27, matatandaang inanunsiyo ni Yang Hyun-suk sa YouTube ang plano para sa 2NE1 matapos ang kanyang pagpupulong kasama ang apat na miyembro. “Today, I have some very exciting news. The first girl group YG announced. The first successful YG girl group was 2NE1,” aniya.
“The members of 2NE1 informed me that they'd like to hold a concert commemorating their 15th anniversary. So we caught up and happily discussed, making it all happen within this year,” dagdag pa niya. Inihayag naman ni Yang Hyun-suk na ang concert ng 2NE1 sa Seoul ay gaganapin sa pagsisimula ng Oktubre.