ni MC / Gerard Arce - @Sports | July 26, 2021
TOKYO – Gumawa ng kasaysayan si weightlifter Hidilyn Diaz matapos nitong masungkit ang unang gintong medalya para sa Pilipinas nang talunin nito ang world champion ng China at record holder Liao Qiuyun sa makapigil hiningang face off sa Tokyo International Forum.
Halos hindi humihinga ang lahat ng nasa stadium nang buhatin ng 30-year old weightlifter mula Zamboanga ang Olympic record na 127 kilograms sa kanyang third at final lift upang maiuwi ang gold medal sa kabuuang iskor na 224.
Hindi magkamayaw sa tuwa ang maliit na grupo ng mga Filipino na nasa stadium habang ang iba ay halos maiyak nang tapusin ng Pinay ang 97-year na paghihintay ng bansa para sa Olympic gold medal sa kakaibang edisyon ng Summer Games.
Matatandaang si Hidilyn din ang kumuha ang silver medal sa Rio Olympics apat na taon na ang nakararaan at ngayon ay gold medal naman ang karangalang iuuwi nito sa bansa. “Hindi ako makapaniwala na nasorpresa ako na nagawa ko iyon. Kakaiba si God, kakaiba si God,” pahayag ni Diaz matapos ang awarding ceremony. “Nagpapasalamat ako sa lahat ng prayer warriors.
Sa team HD at sa lahat ng sumuporta sa akin. Thank so much for believing in me. When the times, gusto ko ng sumuko dahil sa dami ng pagsubok na pinagdaanan, pero nakaya natin. Kaya natin mga Filipino,” dagdag ni Diaz na nagawang sumabak ng apat na beses sa Olympic Games simula nung 2008 Beijing na nagtapos sa 11th place, na sinundan ng nakakdismayang 2012 London Olympics at ang malupit na 2016 Rio Olympics.
“Sa totoo lang kinakabahan ako baka hindi ko magawa, pero the whole day, the whole week sinasabi ko na I believe, and I believe tsaka prepared ako. Lahat ng pinagdaanan ko, pineprepare ako ni God for today,” paliwanag ni Diaz na sa sobrang pagtutok sa laban ay hindi napapansing gumagawa siya ng isa pang marka sa Olympiad.
“Actually, hindi ko na alam na Olympic record na yung ginagawa ko, hindi rin ako makapaniwala na andun yung pangalan ko sa Olympic record. So, I’m really thankful, grabe si God, grabe si God.”