ni Lolet Abania | November 6, 2020
Inilabas na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ngayong Biyernes ang sample ng national ID card kung saan kaya ng ahensiya na mag-imprenta nito ng 154,000 kada araw.
Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, masusi niyang ininspeksiyon ang mga makina na gagamitin sa pagpi-print ng ID cards. Ipinakita rin niya ang sample nito sa publiko. “Finally, the BSP is ready to print the #NationalID. We inspected the machines that will print the IDs this morning. The machines have the capacity to print 154,000 cards per day,” sabi ni Diokno sa kanyang Twitter account.
Naatasan ng pamahalaan ang Central Bank para mag-imprenta ng ID cards na magagamit ng mamamayan sa mga transaksiyon na kanilang gagawin. Una rito, ayon sa BSP, gagastos ang gobyerno ng P30 sa bawat isang national ID card o may kabuuang halaga na P3.4 billion para sa 116 milyong Pinoy.
Nilalaman at nakalagay sa ID card ang Philippine Identification System (PhilSys) na may numero ng bawat indibidwal, buong pangalan, facial image, kasarian, petsa ng kapanganakan, blood type at address.
Gayundin, mayroon ang ID card ng biometric information tulad ng iris scan, fingerprints at photograph.
“The national ID system has been decades in the making. We look forward to bringing it to the Filipino people to promote financial inclusion and digitalization,” sabi ni Diokno. Samantala, target na simulan ang nationwide registration para sa national ID system sa January 2021.