ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 29, 2021
P-DUTERTE, MALAMANG HINDI HAPPY SA BIRTHDAY KASI PINAGRE-RESIGN AT TINAWAG PANG PALPAK NG NETIZENS--Isang araw bago ang kaarawan ni P-Duterte ay inanunsiyo ni Presidential spokesman Harry Roque na dahil sa dami ng nadale ng COVID-19 ay balik-ECQ (enhanced community quarantine) mula ngayong araw (March 29) hanggang Abril 4, 2021 ang Metro Manila, Bulacan, Cavute, Rizal at Laguna.
Ikinagalit ng publiko ang aksiyong ito ng Duterte gov't., at dahil d'yan, sa mismong birthday ng pangulo ay nag-trending sa social media ang mga hashtag na #DuterteResign at #DutertePalpak.
Hindi man aminin, tiyak hindi happy si P-Duterte sa kanyang kaarawan dahil d'yan, saklap!
◘◘◘
PALPAK ANG DUTERTE GOV'T. AT PASAWAY ANG MGA PINOY?--To the rescue naman sa pagtatanggol kay P-Duterte ang mga DDS at ang sinisisi nila sa pagdami ng nagkaka-virus sa bansa ay ang mga pasaway na Pinoy na dumededma sa health protocols.
Sa bangayan nilang 'yan sa social media, lumalabas na dalawang bagay pala ang dahilan kaya patuloy na nananasala sa bansa ang COVID-19, at ito ay palpak ang Duterte gov't. at may mga pasaway na Pinoy, boom!
◘◘◘
SANA SAPAT ANG AYUDA PARA HINDI MAGLABASAN SA BAHAY ANG MGA NAKA-LOCKDOWN--Matapos ihayag ni Roque na balik-ECQ ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna, bantulot ang sagot niya sa tanong ng mamamahayag patungkol sa ayuda kasi ang naisagot lang niya ay meron namang ibibigay na tulong ang pamahalaan sa mga maapektuhan ng lockdown.
Sana, sapat ang ayudang ibigay ng pamahalaan sa mga maapektuhan ng ECQ kasi kung hindi at makaranas ng gutom ay baka kahit naka-lockdown ay maglabasan sa kanilang bahay ang mamamayan para maghanap ng makakain, period!
◘◘◘
NAGIHINGALO NA ANG EKONOMIYA, NANANALASA PA ANG VIRUS, SAKLAP--Ayon sa World Bank (WB) at Moody's Analyctic, sobrang naghihingalo na ang ekonomiya ng Pilipinas at mas lalong lalala pa kapag patuloy na dumami ang mga nagkaka-virus dahil hanggang ngayon ay wala pang nabibiling bakuna ang Duterte gov't. na pamproteksiyon sa mga Pinoy.
Hindi joke ang sinabing 'yan ng WB at Moody's kasi kung hindi makokontrol ang pagdami ng mga nagkaka-virus at tuluyang mabangkarote ang pamahalaan, dalawang krisis aabutin ng mga Pinoy, pananalasa ng virus at gutom, saklap!