ni Julie Bonifacio - @Winner | July 7, 2020
Kinumpirma ng Kapamilya actor-comedian na si Bayani Agbayani na pansamantalang isinara ng King of Talk at kilalang talent manager na si Boy Abunda ang kanyang kumpanya, ang Asian Artists Agency.
Sa eksklusibong panayam ni Ateng Janiz Navida (Bulgar's Entertainment editor) at ng inyong lingkod sa online show na #CelebrityBTS Bulgaran Na na napapanood sa Facebook page ng Bulgar tuwing Sabado sa ganap na alas-onse nang umaga, sinabi ni Bayani na si Kuya Boy pa rin ang tumatayong consultant niya.
"Bale nakakadiretso na (ako). Si Tito Boy naman kasi, kamado na niya. Kabisado na niya ang industriya, eh," sambit ni Bayani.
Ikinuwento rin ni Bayani ang naging pag-uusap nila ni Kuya Boy tungkol sa pagsasara ng opisina ng talent manager na matatagpuan sa Kamuning, Quezon City.
"Actually, tumawag sa akin si Tito Boy. Sinabi niya, kasi panahon ng lockdown, siyempre 'yung mga tao niya, pumapasok sa opisina. Eh, natatakot siya para sa kalusugan nila and besides, alam naman niya na matatagalan pa ang problema natin sa Corona Virus, sa covid 19.
"So, sinabi niya sa akin, 'Bayani, ako pa rin ang consultant mo. Ako pa rin ang nasa likod mo. Kaya lang, 'yung opisina, pansamantala ko munang isasara kasi baka napipilitan silang pumasok para ru'n sa office. Eh, baka lalong lumaki ang problema natin. Pero si LenLen (misis ni Bayani), sabihin mo sa kanya, siya ang tumanggap ng mga projects mo. Ako pa rin ang consultant mo. Ako pa rin 'yung nasa likod mo,'" kuwento ni Bayani.
Sinabi naman daw ni Bayani kay Kuya Boy na naiintindihan niya ang kalagayan ng TV host. Pero, ang iilang nananatili na matagal nang mga staff ni Kuya Boy na sina Lance at Rowena ang tatawag sa kanya kapag may projects for him.
"Ang relation naman namin ni Tito Boy, uh, from day one, sinabi niya sa akin, 'Huwag kang mag-alala sa akin, Bayani. Dahil matagal na tayong magkaibigan, kahit ano'ng trabaho mo, kahit ano'ng laban ang pasukin mo, tutulungan kita. Huwag kang mahihiya,'" sabi pa raw sa kanya ni Kuya Boy.
Dahil likas na mahiyain, nadidiyahe raw siyang lumapit kay Kuya Boy. Pero rebelasyon ni Bayani, bago pa lang daw sila maging mag-asawa ni LenLen, kasama na ni Kuya Boy ang kanyang misis sa dati nitong programa sa GMA-7, ang Startalk.
"Doon nagsimula si LenLen at nakatutok siya kay Tito Boy. Kaya nu'ng buntis si LenLen, si Tito Boy pa ang bumibili ng pambuntis niya na mga damit d'yan sa Greenhills. Kaya kapag nakikita ako ni Tito Boy, even na kay Tita Angge pa ako, 'Si LenLen? Kumusta si LenLen?' Gumaganu'n parati sa akin,'" tsika pa ni Bayani.
Sa ngayon, okey lang daw umapir sa ibang TV networks si Bayani dahil wala naman siyang guaranteed contract sa ABS-CBN.