ni Zel Fernandez | May 9, 2022
Sinuspende ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang National Board of Canvassers (NBOC) session ngayong Lunes dahil kasalukuyan pa umanong nagaganap ang botohan.
Nauna nang inihanda ng Comelec National Board of Canvassers (NBOC) nitong Lunes ang pag-canvass ng mga boto para sa senatorial at party-list races.
Matapos ang pagsasaayos ng mga boto, sisimulan na ng NBOC ang consolidation at canvassing system bilang paghahanda sa transmission ng mga resulta, na kalaunan ay sinuspende ang dapat sana ay sesyon ngayong gabi dahil wala pa umanong mga botong maika-canvass.
Ayon kay Comelec Chairman Saidamen Pangarungan, "At this point, we are still awaiting electronic transmission of the results. Therefore, this canvass is hereby suspended, to resume tomorrow at 1:00 p.m. The parties and counsels are notified of the resumption and open session.”
Paglilinaw naman ni Comelec Commissioner George Garcia, "Ang suspended, ang national canvassing for [senators and party-lists]. Wala pa dadating niyan mamaya. Zero pa. Bukas pa. Pero tuloy-tuloy ang canvassing ng municipal, city, and provincial after counting.”
Bagaman suspendido ang NBOC session, magpapatuloy pa rin sa pag-transmit ng resulta ng eleksiyon ang mga vote-counting machines (VCMs) sa buong bansa pagkaraang matapos ang botohan kaninang alas-7:00 ng gabi.
Samantala, karaniwang nagsisimula ang transmission ng elections results pagkaraang magsara ng mga polling centers sa araw ng halalan.