ni Zel Fernandez | April 18, 2022
Babala ng Department of Health, posible umanong sumipa ang kaso ng COVID-19 sa bansa pagsapit ng Mayo, makaraan ang nagdaang paggunita ng Semana Santa kasabay ng kasalukuyang pangangampanya para sa darating na eleksiyon.
Sa panayam ng PTV kay Dr. Rajendra Yadav, acting WHO Representative to the Philippines, inaaasahan umano ang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa matapos ang paglabas-masok ng mga tao sa Metro Manila upang magbakasyon nitong nagdaang Semana Santa. Aniya, kasabay nito ay naging aktibo ang mga turista kaya posible umanong tumaas ang panganib dulot ng pakikihalubilo ng mga bakasyunista, depende pa sa naging kapabayaan ng hindi pagsusuot ng facemask sa mga masisikip na lugar at walang sapat na bentilasyon.
Pahayag pa ni Dr. Yadav, base sa panayam kung posible nga bang umabot sa 300 libong kaso ang COVID-19 sa bansa pagsapit ng Mayo, hindi umano malabong mangyari ito lalo na kung patuloy pang bababa ang pagsunod sa minimum public health standards (MPHS) sa bansa. Aniya, kung ang South Korea umano na kalahati lamang ng populasyon ng Pilipinas ay nakapagtala na ng 600 libong kaso ng COVID-19 sa isang araw, wala umanong makapagsasabi kung paano ito makaaapekto sa Pilipinas.
Gayunman, iginiit ni Dr. Yadav na higit sa pagbabantay sa magiging paglaki ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa, mas mahalaga aniya na pagtuunan ng pansin ang bilang ng mga nagpapabakuna upang mapaghandaan ang panganib na dulot ng paglaganap ng virus. Dagdag pa niya, nakababahala umano na marami pang mga barangay ang hindi pa umaabot sa 70 porsiyento ng nabakunahan gayung kinakailangan lumagpas pa ito rito upang maging ligtas ang bawat pamayanan.
Suhestiyon ng kinatawan, kung kinakailangan umanong magbahay-bahay upang maabot ng bakuna ang mga nakatatanda at iba pang kababayang hirap sa paglabas ng kanilang tahanan ay malaking tulong aniya ito upang mapalakas ang proteksiyon sa bansa laban sa COVID-19.