ni Zel Fernandez | May 14, 2022
Batay sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), bahagya umanong lumago ang produksiyon ng palay at mais sa bansa sa unang quarter ngayong 2022.
Ayon sa datos ng PSA, bagaman hindi nagkaroon ng paglago sa sektor ng agrikultura sa unang quarter ng taon, pagtuntong ng Pebrero 1, 2022 ay tumaas sa 4.64 na milyong metriko tonelada ang produksiyon ng palay na mas mataas nang 0.2 porsiyento kumpara sa produksiyon nito noong unang quarter ng taong 2021.
Bukod pa rito, naitala rin ang pagtaas ng produksiyon ng mais sa bansa nang 2.46 na milyong metriko tonelada na sinasabing mas mataas naman umano nang 0.7 porsiyento kumpara sa produksiyon nito noong unang quarter ng nakaraang taon.
Sa kabila nito, pinangangambahan naman ng Department of Agriculture ang pagbaba ng produksiyon sa mga pangunahing pananim sa mga susunod na buwan dahil anila sa patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo, kasabay ng iba pang hamon sa sektor ng agrikultura.
Samantala, nananatiling positibo si Agriculture Secretary William Dar dahil bagaman may mga hamon sa sektor ng agrikultura tulad ng krisis dulot ng alitan ng Ukraine at Russia, at pananalasa ng Bagyong Odette ay maayos pa rin umano ang takbo ng produksiyon sa nasabing sektor.