ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Dec. 24, 2024
Upang matulungan ang ating mga child development workers (CDWs) na maging mas epektibo sa kanilang tungkuling tutukan ang pangangailangan ng mga batang wala pang limang taong gulang, popondohan ng ating budget para sa taong 2025 ang scholarship ng mga kasalukuyang CDWs na hanggang high school lamang ang tinapos.
Sa ilalim ng 2025 national budget, P80 milyon ang inilaan sa pondo ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA para sa naturang scholarships. Isinulong natin ang paglalaan ng pondong ito dahil hangga’t maaari, gusto nating iangat ang kakayahan ng ating mga CDWs.
Sa 68,080 CDWs sa bansa, may 11,414 ang hanggang high school lamang ang tinapos. Inaasahan natin na may matutulungan tayong humigit-kumulang 2,854 CDWs gamit ang pondong inilaan sa 2025 national budget. Bagama’t hindi pa natin mabibigyan ng scholarships ang lahat ng 11,414 na mga CDWs na hanggang high school lamang ang tinapos, mahalagang simulan ang paglalaan natin ng pondo sa ilalim ng 2025 national budget.
Kamakailan ay inaprubahan na rin ng Senado ang ating panukalang Early Childhood Care and Development Act (Senate Bill No. 2575), kung saan isinusulong natin ang universal access sa early childhood education. Sa ilalim ng panukalang batas na ito, oobligahin ang mga kasalukuyang CDWs na sumailalim sa upskilling at reskilling training programs sa early childhood education o early childhood care and development (ECCD). Kailangan ding makapasa ang mga CDWs na ito sa certification mula sa TESDA. Magiging libre naman para sa mga CDWs ang naturang assessment.
Kung ganap na maisabatas ang Early Childhood Care and Development Act, mabibigyan natin ng tulong ang lahat ng mga CDWs pagdating sa kanilang upskilling at reskilling. Tinataya naman ng ating tanggapan na kakailanganin ng bansa ang karagdagang 161,143 CDWs upang suportahan ang 4.6 milyong batang tatlo hanggang apat na taong gulang.
Sa ating mga kasalukuyang CDWs, sana ay huwag ninyong palagpasin ang pagkakataong ito upang mapaigting at mabigyan ng pormal na pagkilala ang inyong mga kakayahan. Kaisa ko ang bawat magulang at ang buong bansang nagpapasalamat sa inyong serbisyo upang itaguyod ang kapakanan ng mga batang Pilipino.
Sa ating mga kababayan, Maligayang Pasko sa ating lahat!
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com